Payo ni Maricel kay Francine: ‘Wag mong pakinggan ang ibang tao na nambubuwisit lang sa ‘yo’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Francine Diaz at Maricel Soriano
NAG-BONDING at nagchikahan nang bonggang-bongga ang nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano at ang young actress na si Francine Diaz.
Sa latest YouTube vlog ni Marya mapapanood ang kanilang paglalamiyerda at pagkukuwentuhan tungkol sa iba’t ibang kaganapan sa kanilang life.
Bumisita sina Maricel at Francine sa Art In Island Museum sa Cubao, Quezon City at habang lumilibot ay napag-usapan nila ang katatapos lang na “Dirty Linen” kung saan nakasama si Francine.
Super puri ang Diamond Star sa naging performance ni Francine sa nasabing Kapamilya revenge drama series na pinagbidahan din nina Janine Guttierez, Zanjoe Marudo at Seth Fedelin.
Inamin ni Francine kay Marya na nagduda rin siya noon kung nabibigyan ba niya ng hustisya ang kanyang karakter sa serye matapos makabasa ng mga comment mula sa netizens na hindi siya deserving sa role.
“Kaya po natutuwa po ako kapag ‘yung mga direktor po namin na sina Onat Diaz pati si Direk Andoy Ranay kapag sinasabihan nila akong very good, kapag sinasabihan nila akong good job,” sey ni Francine.
Ang advice naman ni Maricel sa dalaga, “Huwag kang magpapadala doon sa mga ganoon. Kasi ‘yun, opinyon nila. Hindi naman lahat ng tao kaya nating i-please.
“Pero pagdating sa trabaho mo, huwag kang maaapektuhan. Kasi hindi mo maibibigay ang lahat pagka naapektuhan ka,” ani Marya.
Dagdag pa niyang advice kay Francine, “Basta kung anong sinabi ng direktor na gawin mo, ‘yun ang gagawin mo.
“Huwag mong pakinggan ‘yung ibang tao na nambubuwisit lang para bumaba ‘yung energy level mo,” aniya pa.
Samantala, napapanood ngayon si Francine sa pinag-uusapang iWantTFC mystery-thriller series na “Fractured” kasama ang ka-loveteam niyang si Seth Fedelin at ang iba pang Kapamilya at Star Magic youngstars.