Bandang Kamikazee pinalayas sa Sorsogon, sey ng governor: ‘Hindi tayo puwedeng bastusin’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Kamikazee
VIRAL na ang video ng ginawang pagpapalayas ni Gov. Edwin Hamor sa bandang Kamikazee na magpe-perform sana sa Sorsogon kagabi, October 1.
Basag na basag ang nasabing grupo nang magsalita ang gobernador sa selebrasyon ng Kasanggayahan Festival sa Casiguran, Sorsogon.
Maraming events ang naka-line up ngayong buwan para sa nasabing festival kabilang na ang magaganap na grand opening sa October 8 kung saan magpe-perform sina Vice Ganda, MC & Lassy, Zeus Collins, at ang grupong Six Part Invention.
Kagabi naman nakatakda sanang mag-perform ang bandang Kamikazee, Imago, at I Belong To The Zoo.
Pero hindi na nga natuloy ang Kamikazee matapos magdesisyon si Gov. Hamor na paalisin na sa kanilang lugar ang banda.
Sa kumalat na video sa social media mapapanood ang gobernador na nag-sorry sa kanyang mga kababayan na nasa venue na hindi na makakapag-perform ang Kamikazee, sa pangunguna ng vocalist nitong si Jay Contreras.
Aniya, pinaalis na niya ang banda at hindi na rin pinatuloy sa kanilang hotel sa Recidencia Del Hamor sa Casiguran, Sorsogon. Sa airport na raw magpapaumaga ang mga ito para sa kanilang flight.
Sabi ni Gov. Hamor binastos daw ng banda ang mga taga-Sorsogon, “Sana na naintindihan niyo. Hindi ko gusto to. Kaso sinabi ko nga, may attitude. Hindi na yan makakabalik sa Sorsogon, maniwala kayo sa akin.
“Maraming banda, maraming banda na gustong magpasaya sa atin. Pero kung ganu’n naman yung ugali, pasensiyahan tayo. Okay?
“Inuulit ko, bayad yun. Kasi bago mag-perform sila dapat bayad. Pero pinauwi ko na, hindi ko na patitirahin yun sa Residencia. Pinauwi ko na sa airport, du’n sila mag-umaga. Okay?
“Inuulit ko, hindi tayo puwedeng bastusin, ang mga taga-Sorsogon. Pinipilit ko na itaas ang dignidad ng bawat Sorsoganon, pero huwag ganu’n. Huwag ganu’n na tayo’y bastusin. Okay?” pahayag ng government official.
Maririnig naman sa video ang palakpakan ng audience at nag-okay din sila sa tinuran ng gobernador na nag-announce pa ng, “Si Vice Ganda, pasasayahin kayo. At dadalhin ko rito si Sarah Geronimo. Okay?”
Sa report naman ng “24 Oras”, nagalit daw ang gobernador ng Sorsogon nang tumanggi umano ang Kamikazee na magpa-picture sa kanilang tourist attraction na Thousands Light Roses na nauna na nilang natanguan sa organizers ng event.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang official statement ang Kamikazee kaugnay sa insidenteng ito. Bukas ang BANDERA sa magiging pahayag ng naturang banda.