Erik Santos durog na durog pa rin ang puso sa magkasunod na pagpanaw ng mga magulang: ‘Nakantahan ko po sila pareho bago magpaalam’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Erik Santos
HANGGANG ngayon ay durog na durog pa rin ang puso ng Prince of Pop na si Erik Santos sa magkasunod na pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Walang araw na hindi naiisip ng Kapamilya singer ang kanyang inang si Angelita Ramos Santos na pumanaw noong November 25, 2022 at amang si Renato Santos na namaalam naman nitong August 10, 2023.
Parehong lung cancer ang ikinamatay ng kanyang mga magulang kaya naman nais niyang matulungan at mabigyan ng inspirasyon ang mga cancer patients sa Pilipinas.
Nakausap ng ilang members ng entertainment media si Erik sa presscon para sa kanyang 20th anniversary concert na may titulong “milEStone” na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa October 6, 2023.
Natanong si Erik kung ano ang mga alaalang iniwan sa kanya ng ama’t ina bago namaalam ang mga ito, “Yung mga last days and minutes with them kasi hindi na sila nakakapagsalita.
“They were in BiPAP. Parang machine po yun na downgrade before sila ma-intubate. Parang ganu’n. So, hindi na po namin sila makausap,” pagbabahagi ni Erik.
“For my mom, talagang we would really play praise and worship (songs). We would really pray, sama-sama po kaming pamilya, nakapalibot po sa kanya before siya malagutan ng hininga. Yung sa tatay ko naman, ganoon din po, same scenario.
“Sa tatay ko, I was able to sing a song for him. So, siguro mga five minutes before he passed on, nakakanta pa ako ng isang awitin na paborito niya na palagi na kinakanta ko sa concert,” sey pa ng singer.
“Nasabi ko po yung mga dapat ko sabihin sa kanila,” dugtong pa ng binata.
Patuloy pa niya, “Tingin ko naman po, napakasaya nila, na makita ako ngayon na sini-share yung experience ko po sa maraming tao.
“I also want to inspire other people, especially yun pang kumpleto pa yung mga magulang, to just spend more time with your parents.
“Kahit yung mga taong walang masyadong magandang relationship with their parents, tayo yung magpakumbaba na lumapit naman po sa kanila.
“Kasi, hindi natin alam when will be the last hug, the last kiss, the last ‘I love you.’ Hindi natin alam yun, e. Walang kasiguraduhan ang buhay. Ako, nagawa ko yun sa parents ko. Up until their last breath, I was there for them,” aniya pa.
Naging emosyonal naman si Erik nang mapag-usapan ang partnership niya with Anchor of Hope & Strength ang pagkawala ng kanyang mga magulang dahil sa cancer.
Ang Anchor of Hope & Strength ay isang non-profit organization na itinatag ni Dr. Charity Viado-Gorospe nu’ng 2016 at ang advocacy nito ay tumulong sa mga cancer patients.
Isa ang ina ni Erik sa naging pasyente ni Doc Charity kaya naman abot-langit ang pasasalamat ng singer na hindi naningil ang oncologist ng professional fee nito sa ilang buwang pagkaka-confine ni Gng. Angelita sa St. Luke’s Hospital.
Kaya naman sa 20th anniversary ni Erik na “milEStone”, nag-promise siya na ang bahagi ng kikitain ng concert pati na ang kanyang talent fee ay ido-donate niya sa Anchor of Hope & Strength Foundation bilang pasasalamat sa mga naitulong nito sa kanilang pamilya.
Sinisiguro naman ni Erik na sulit ang ibabayad ng madlang pipol sa kanyang anniversary concert dahil bukod sa kanya ay napakarami rin niyang special guests kabilang na sina Angeline Quinto, Darren Espanto, Sheryn Regis at isa pang bonggang surprise guest.