Piolo Pascual eeksena bilang host sa 6th The EDDYS ng SPEEd, gagawaran din ng Isah V. Red Award
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Piolo Pascual
SIGURADONG mas lalong magniningning ang Gabi ng Parangal para sa gaganaping 6th Entertainment Editors’ Choice o The EDDYS ngayong 2023.
Yan ay dahil sa award-winning actor at tinaguriang Ultimate Leading Man na si Piolo Pascual na siyang magsisilbing host sa ikaanim na edisyon ng The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Hindi ito ang unang pagkakataon na magiging bahagi ng The EDDYS si Piolo dahil noong 2019, ang Kapamilya actor-TV host ang tumanggap ng Rising Producer Circle Award para sa Spring Films.
Ngayong taon, kabilang rin siya sa mga gagawaran ng Isah V. Red Award kasama sina Herbert Bautista, at Coco Martin bilang pagkilala sa walang sawa nilang pagtulong at pagbibigay ng inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan.
Bukod dito, walong haligi ng entertainment industry ang bibigyan ng espesyal na pagkilala ng SPEEd para sa EDDYS Icons para sa hindi matatawarang kontribusyon nila sa industriya ng pelikulang Filipino.
Ang mga EDDYS Icon honorees ngayong taon ay sina Aga Muhlach, Richard Gomez, Gabby Concepcion,
Niño Muhlach, Snooky Serna, Jaclyn Jose, Barbara Perez at Nova Villa.
Igagawad naman sa 6th The EDDYS ang Joe Quirino Award sa veteran entertainment columnist, dating TV host at content creator na rin ngayon na si Aster Amoyo.
Ang beteranong manunulat naman at dati ring entertainment editor na si Ed de Leon ang tatanggap ng Manny Pichel Award.
Producer of the Year naman ang Viva Films habang ang Rising Producer of the Year ay igagawad sa MavX Productions.
Magaganap ang 6th Entertainment Editors’ Choice sa Oktubre, 22, 2023 sa EVM Convention Center, 37 Central Avenue, Quezon City, mula sa direksyon ng award-winning actor at filmmaker na si Eric Quizon.
Ihahatid ng Airtime Marketing Philippines na pag-aari ng event producer na si Tessie Celestino-Howard ang ikaanim na edisyon ng The EDDYS.
Magkakaroon din ito ng delayed telecast sa NET 25 sa Oktubre 28.
Ang annual event na ito na mula sa samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine Cinema.
Mamimigay ng 14 acting at technical awards para sa 6th The EDDYS na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2022.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Eugene Asis ng “People’s Journal”.
Ayon kay Asis, asahan ang mas kapana-panabik at mas matinding labanan ng mga natatangi at de-kalidad na pelikula ngayong taon.
Ang pagbibigay-parangal ng SPEEd ay isang paraan din para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pang kasama sa pagbuo ng isang matino at dekalibreng pelikula.