Yassi Pressman at Ruru Madrid
GRABE! As in grabe talaga! Ngayon na lang kami uli kasi naka-witness ng super successful na premiere night makalipas ang mahigit tatlong taon.
Punumpuno ang SM Megamall Cinema 9 kagabi, September 19, kung saan ginanap ang premiere night ng latest offering ng Viva Films at GMA Pictures na “Video City”.
Present siyempre ang lead stars ng pelikula na sina Ruru Madrid at Yassi Pressman kasama ang iba pang members ng cast na sina Dennis Padilla, Suzette Ranillo, Chad Kinis at TJ Valderrama. Kasama rin sa movie si Soliman Cruz.
In fairness, grabe rin ang ipinakitang suporta kina Ruru at Yassi ng ilang Viva Artists Agency at Sparkle Artists Center talents na talagang pinanood ang pelikula hanggang ending.
Siyempre, naroon ang girlfriend ni Ruru na si Bianca Umali, sina ang Glaiza de Castro, Rayver Cruz, Rodjun Cruz, Jon Lucas, Angel Guardian at Kokoy de Santos. Sumuporta rin sa “Video City” ang Viva Artists na sina Jerald Napoles at Kim Molina.
Para sa amin, isa ang “Video City” sa pinakamagagandang pelikulang Pilipino ngayong taon, bukod sa kakaiba at exciting na kuwento at tema nito, parehong pinatunayan nina Yassi at Ruru ang kanilang versatility as an actor.
Baka Bet Mo: Ina ni Lee Ji Han may ‘nakakawasak’ na sulat para sa anak na namatay sa Itaewon Halloween party
Lalo na si Ruru na pinabilib ang lahat ng mga nanood sa premiere night dahil hindi lang siya mahusay magpakilig kundi magaling na rin siyang magpaiyak ng audience.
At hindi rin namin in-expect na napakalakas din pala ng chemistry ng tambalan nina Ruru at Yassi dahil ramdam na ramdam namin sila lalo na sa mga eksenang hirap na hirap na sila sa kanilang sitwasyon bilang dalawang taong pinagtagpo pero pinahihirapan ng tadhana.
Ngayong panahon ng video streaming, parte na lang ng nakaraan ang maksaysayang Video City at VHS tapes, pero muli nga itong bubuhayin ng Viva Films at GMA Pictures sa pamamagitan nasabing romantic-comedy movie.
Ipakikita ng pelikulang “Video City” ang kwento ng isang film student na magta-time travel sa dekada 90 kung saan makikilala niya si Ningning, ang babaeng magpapabago ng kanyang buhay.
Hindi na makapaghintay si Han na maging isang tunay na direktor tulad ng kanyang ina na laging pinararangalan para sa kanyang iconic na pelikula.
Pero bago ang lahat, kailangan matapos ni Han ang kanyang thesis na hirap siyang gawin sa kasalukuyan. Marahil malaking epekto sa kanya ang pagiging bedridden ng kanyang ina.
Matapos ang isa na namang tribute event para sa kanyang ina, pumasok si Han sa isang lumang internet café. Nakakita siya rito ng isang VHS tape rewinder na siya naman niyang pinaglaruan.
Makalipas ang ilang sandali, nag-iba ang kanyang paligid at nakita niya ang sarili sa taong 1995. Ang pinasukan niyang café ay isa nang Video City.
Ang video attendant na si Ningning ang umasikaso sa kanya, at nabighani siya agad sa personalidad nito.
Sa pagbabalik niya sa kanyang panahon, nagdesisyon si Han na hindi ititigil ang pagta-time travel para mas makilala pa si Ningning na isa ring movie lover. Sa katunayan, pangarap nitong maging artista pero hindi nakakapasa sa mga audition.
Habang mas nakakasama ni Han si Ningning, lalo siyang nai-inlove sa kanya. Pero sa bawat araw na bumabalik si Han sa nakaraan, paikli nang paikli ang oras niya na manatili dito.
Kaya naman gusto ni Han na malaman kung saan niya matatagpuan si Ningning sa kasalukuyang panahon. Meron kayang kinabukasan para sa kanilang dalawa?
Ang “Video City” ay mula sa direksyon ni Raynier F. Brizuela, na siya ring nagdirek ng “Mang Jose” at ng seryeng “Puto.” Ayon kay Direk Raynier, ang konsepto ng pelikulang ito ay mula sa sarili niyang karanasan.
Noong walong taong gulang siya ay nanghihiram siya sa Video City sa malapit sa kanilang bahay at mayroon doong isang staff na matiyagang nagtuturo sa kanya ng mga pelikulang pwedeng mahiram hanggang tatlong araw.
Kuwento niya, “Laking Video City talaga ako,medyo crush ko si ‘Ate.’ Eventually noong high school na ako, narealize ko na kaya ako na in-love sa pelikula, isa siya sa factor.
“Sabi ko, what if mag-time travel ako at balikan ko si Ate. Doon nagsimula ang idea ng Video City. What if ma-meet ko ulit itong tao na naka-connect ko before, ang taong nag-inspire sa akin na gumawa ng pelikula?” ani Direk.
Si Yassi ay pinanganak noong 1995, at 1997 naman si Ruru, pero naabutan pa rin nila ang paghihiram ng mga pelikulang nasa CD format sa Video City. Ito ang paboritong bonding moment nila kasama ang kanilang pamilya noon.
Kaya nang inalok ang pelikula kay Yassi, agad siyang na-excite gawin ito. Aniya, “This was one of the stories that I fell in love with on the same day (of the pitch), sinabi ko na “Okay, gusto ko pong gawin ‘yan.”
Masaya rin si Ruru na makasama si Yassi dahil laging nakangiti ang dalaga. Aniya, “Every time na pumasok siya sa kwarto, mabibigyan niya ng kulay ang kwarto na ‘yon.”
Kaya feel the “magic” na hatid ng “Video City” na showing na ngayon sa mga sinehan nationwide.
Siyanga pala, siguradong matutuwa sina Barbie Forteza at David Licauco dahil may libreng publicity pa ang kanilang Kapuso series na “Maging Sino Ka Man” sa “Video City.”
Malaking bahagi rin kasi ng movie nina Ruru at Yassi ang classic film nina Robin Padilla at Sharon Cuneta na “Maging Sino Ka Man” na isa na ngayong TV series sa GMA 7 na pinagbibidahan naman ng tambalang BarDa.
Ruru Madrid 1 week nanligaw ng teacher nu’ng Grade 5: ‘Nag-iipon talaga ako ng pera, nireregaluhan ko siya ng bulaklak, tapos…’
Ruru Madrid natulala nang unang makita si Robin Padilla: ‘Hindi po ako nakagalaw sa kinatatayuan ko, pakiramdam ko hindi siya tao’