Dennis relate much sa kuwento ng serye nila ni Bea tungkol sa second chance: ‘Parang ganyan din ang nangyari sa amin ni Jennylyn’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Dennis Trillo at Bea Alonzo
NAKAKA-RELATE ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo sa kuwento at tema ng bago niyang teleserye sa GMA 7 na “Love Before Sunrise” kasama si Bea Alonzo.
Ang nasabing serye ay regalo ni Dennis sa kanyang mga fans and supporters bilang bahagi na rin ng pagse-celebrate niya ng 20th anniversary as a Kapuso.
Nagsimula siya sa ABS-CBN noong 2001 bilang Star Circle batch 10 kung saan kasabayan niya si Bea na nakasama niya sa Kapamilya youth-oriented show na “K2BU” mahigit dalawang dekada na ang nakararaan.
“Masayang-masaya ako dahil ngayon lang ulit kami magkakatrabaho ni Bea Alonzo. After 20 years, nagkita ulit kami para gawin ang proyekto na ‘to.
“Siguro, hindi alam ng iba na halos sabay kaming nagsimula sa ABS-CBN pa, sa Star Circle noong 2001. Sobrang bata pa niya noon. Teen pa lang.
“Nakakatuwa na makita yung growth naming dalawa. Kung ano na yung narating ng kanya-kanyang careers namin.
“Ang magical lang na nagkatagpo ulit kami para sa perfect na proyekto na ‘to para sa aming dalawa,” pahayag ni Dennis.
Dagdag pa ng husband ni Jennylyn Mercado, “I am just too happy and grateful to work with her again. Kasi sa ABS-CBN noon, bagets pa kami. Sobrang bata pa niya, teenager.
“But through the years, it’s nice to know we’ve both grown in our respective careers and now, pinagtagpo kami uli to work together again. And ‘Love Before Sunrise’ is just perfect project for our reunion on screen,” chika pa ng aktres.
Samantala, parang napakabilis lang daw na dumaan ang 20 years niya sa GMA 7, “Hindi ko namalayan na 20 years nang Kapuso. Marami akong natutunan.
“Dito ko naranasan yung first time mag-taping. Kung paano ang sistema sa taping. Natutunan ko yung sistema. Ang importante dito sa trabaho na ito, kailangan lagi kang handa. Isa yon sa mga natutunan ko.
“Kapag sinabing ganitong eksena ang kukunan, hindi lang yon ang pag-aaralan mo. Kailangan pag-aralan mo lahat para in case mangyaring ganoon, maiiwasan mo kahit handa ka, hindi ka mapapahiya.
“Minsan lang maibigay ang spotlight sa yo, kailangan ma-maximize mo nang maayos,” sabi pa ng premyadong aktor.
Todo rin ang pasasalamat niya sa mga bossing ng GMA, “Hanggang ngayon, binibigyan pa rin ako ng trabaho at talagang sinisiguro nila na magagandang projects yung mapupunta sa akin at mga gagawin ko, kaya sobrang thankful ako sa kanilang lahat sa pagtitiwala.”
Nagkuwento rin si Dennis tungkol sa “Love Before Sunrise” kung saan gumaganap sila ni Bea bilang sina Atom at Stella — dating magkarelasyon ngunit naghiwalay hanggang sa magkita uli makalipas ang mahabang panahon.
“The story is about second chances. Parang yung nangyari sa amin ni Jennylyn na naging kami when we did ‘Gumapang Ka sa Lusak’.
“But it only lasted for a year, then we met again at yun, mas naging successful ang relationship namin the second time around,” sey ni Dennis.
Mapapanood na sa GMA Telebabad ang “Love Before Sunrise” simula sa September 25, mula sa direksyon ni Mark dela Cruz.
Makakasama rin dito sina Andrea Torres, Sid Lucero, Jason Abalos, Ricky Davao, Tetchie Agbayani, Vaness del Moral, Rodjun Cruz, Sef Cadayona, Matet de Leon, Isay Alvarez, Nadia Montenegro, Vince Maristela at Cheska Fausto.