Yeng takot pa ring mabuntis at magkaanak: ‘Kawawa naman ‘yung bata kapag lumabas sa mundo tapos…’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Yeng Constantino at Yan Asuncion
INAMIN ng Kapamilya singer-actress na si Yeng Constantino na inatake siya ng kakaibang takot nang isang araw ay maramdamam niyang baka buntis na siya.
Hindi itinago ni Yeng ang tunay niyang nararamdaman nang mapag-usapan ang tungkol sa pregnancy at pagkakaroon nila ni Yan Asuncion ng mga anak.
Nagbigay ng kanyang saloobin ang singer-songwriter tungkol sa pagbubuntis sa interview ng talent manager na si Ogie Diaz na napapanood sa kanyang YouTube channel.
“One time pumunta kami ng Cambodia, nag-tour kami du’n sa mga templo-templo tapos tiyempo pa na delayed ako.
“‘Yung sinasabi po ng ibang tao na parang kapag nalaman nila or naka-feel sila na buntis sila na parang nai-excite sila, sa akin po na-feel ko parang natakot ako,” pahayag ni Yeng.
Patuloy pa niya, “Na-realize ko po naku, hindi pa ako handa talaga. Ako rin po sa sarili ko gusto ko naman maging normal na babae na parang excited to have a family, para mabuo na kami ni Yan, magkaroon na kami ng supling. I really wanted to be that kind of woman.”
Rebelasyon pa ng singer, “I really feel like I have to take my time to fix also my mindset. Kawawa naman ‘yung bata kapag lumabas sa mundo tapos hindi siya lumabas nang nasa kaligayahan ang aking kalooban.
“Gusto ko rin po na matulungan ‘yung sarili ko mentally, emotionally, and physically kasi po may hormonal imbalance din ako, ngayon I am taking hormone therapy,” dagdag pa niya.
Pero naniniwala pa rin siya na kung talagang ipagkakaloob na sa kanya ni Lord ang pagiging nanay, tatanggapin niya ito ng buong puso’t kaluluwa.
“I can’t say na malapit na po o matagal pa kasi kung ‘yun binigay na ni Lord, Panginoon kalooban Mo na talaga ‘to. Kasi ako sa sarili ko, God alam Mo na nandu’n pa ako sa moment na ini-enjoy ko ‘yung life ko.
“Pero kung pakiramdam Mo, Lord, kaya ko na ‘yung responsibilidad, kaya ko nang maging okay na nanay, hindi ako magdudulot ng kalungkutan sa buhay niya at ako ‘yung magiging biyaya sa kanya, honor sa akin ‘yun na ipagkatiwala sa akin ng Panginoon kung sakali po,” ani Yeng.
Sa tanong kung ano ba talaga ang mga kinakatakot niya, “Siguro po kapag lumaki kang hirap. Mahirap po talaga ‘yung parang hindi naman po sa ini-expect mo na ‘yung doom, parang feeling mo about to happen.
“Gusto kong ma-secure ‘yung sarili ko at kaming mag-asawa financially lahat now para dumating siya tapos sobrang lahat ng gusto niya mapupunta sa kanya,” tugon ni Yeng.
Pagbabalik-tanaw pa niya, “Nu’ng mga bata pa kaming magkakapatid parang medyo mahirap ‘yung mamroblema po sa mga bagay, bagay, sa mga simpleng pangangailangan.
“So kami po mag-asawa we’re really working hard to prepare kung anuman ‘yung magiging pangangailangan in the future.
“Ang hirap po maging mahirap. ‘Yung naririnig mo ‘yung nanay mo na namomroblema tapos baon ‘yung tatay mo sa utang. Ayoko ko talaga nu’n eh. Ayokong mangyari ‘yun sa akin o sa magiging anak ko.
“Gusto ko maging responsableng adult. Gusto kong makatakas, iyon ‘yung word eh. Pero hindi naman po ako parang ungrateful sa mga naranasan ko sa buhay nu’ng bata ako.
“Actually grateful ako. May part na nakakatakot. Takot hindi galit, hindi lang din masakit, more on fear lang dahil naranasan mo ‘yung mamroblema para sa magulang mo,” litanya pa ni Yeng.