Bakit nga ba hindi pa rin nagkakaanak si Bernadette Sembrano?
By: “jaz-jimenez”
- 1 year ago
Bernadette Sembrano
IBINAHAGI ng Kapamilya broadcaster at news anchor na si Bernadette Sembrano ang fertility journey nila ng asawang si Emilio “Orange” Aguinaldo IV sa kanyang YouTube channel.
Kasabay ng pagdiriwang ng kanilang 15th anniversary ay nagkuwento si Bernadette tungkol sa mga dahilan kung bakit sa tagal ng kanilang pagsasama ay hindi pa rin sila nagkakaanak.
Na-diagnose ang kanyang “endometriosis” noong siya ay 30 years old, at napag-alaman din nilang barado ang kanyang fallopian tube.
Dahil dito ay napagdesisyunan nilang sumailalim sa in vitro fertilization o IVF kung saan nabiyayaan sila ng anak na pinangalanan nilang Molly. Sa kasamaang palad, nawala ito makalipas ang ilang linggo.
Noong February 22, 2022 ay napag-alaman din ni Bernadette na mayroon siyang cyst o myoma, na isang non-cancerous na tumor na tumutubo sa loob o paligid ng uterus.
Sumailalim din sila sa “Lymphocyte Immunization Therapy” o LIT kung saan inihahanda ang immune system ng ina sa cells ng ama bago pa man ito magbuntis upang maiwasan ang komplikasyon during pregnancy.
Matapos ang kanyang LIT at surgery upang tanggalin ang kanyang myoma, handa na dapat siya sa kanyang “embryo transfer” o ang huling hakbang sa IVF.
Ngunit noong April 10, 2023 ay napag-alaman nila na lalong numipis ang kanyang uterine lining sa kabila ng mga gamot na tine-take niya para pakapalin nito.
Sa huling bahagi ng kanyang vlog ay emosyonal si Bernadette, “Nalungkot lang nang super. Pero klaro ako na ito ‘yung pinagdasal ko, so masakit siya.”
Ayon kay Dr. Eileen Manalo, “Worst case scenario is we talk about surrogacy,” at open naman ang mag-asawa sa ideyang ito.
“We always talk about family planning in terms of birth control, but I feel, family planning should be really about planning to have a family and addressing it as a couple.
“No matter the pain, I am grateful because of my asawa, who not once pressured me to do things to my body. It is because of my husband’s love for me that I am able to share our story,” sabi pa ng news anchor.