Hirit ni Vice matapos tawaging bastos at abusado ni Juan Ponce Enrile: ‘Sa mga lolong hindi ako masyadong like, I still love you po’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Vice Ganda at Juan Ponce Enrile
HINDI man diretsahang pinangalanan, naniniwala ang madlang pipol na ang dating senador na si Juan Ponce Enrile ang tinutukoy ni Vice Ganda sa naging pahayag niya sa “It’s Showtime” kahapon.
Ito’y may kaugnayan sa mga lolo at lola na patuloy na nanonood at sumusuporta sa kanya mula noong magsimula siya bilang host ng nasabing Kapamilya noontime show pati na rin sa mga hindi siya masyadong “like.”
Sa episode ng “It’s Showtime” nitong Lunes, September 11, tila sinagot ni Vice ang patutsada sa kanya ni Chief Presidential Legal Counsel na isa siyang mahalay, abusado at bastos na TV host.
“Sarili mo na lang ang iniisip mo. Akala mo maganda ang ginagawa mo pero bastos ka, bastos kang tao! Hindi lang walang decency kundi abusado. Alam ko na mapagpatawa yang binabanggit mo na babae (Vice) magmula pa ng araw ganyan na yan. You’re earning your living and popularity sa kabastusan,” ang sabi ng 99-anyos na dating senador kay Vice.
Sa “Mini Miss U” segment ng “It’sShowtime” hiniling ng isang contestant kay Vice na i-shoutout ang kanyang lolo dahil gustung-gusto raw nito ang TV host-comedian.
Binati naman ni Vice ang lolo ng batang contestant sabay dialogue ng, “Nakakatuwa. Ang daming lolong nanonood sa akin. Ang daming lolong nakatutok sa akin, di ba?
“At love ako ng mga lolos. Hi sa mga lolos na love na love ako. Love natin ang mga lolos,” sey ng kontrobersyal na komedyante.
Hirit pa niya, “My God, sa social media ang dami ding nagsa-shoutout sa akin. My God, I’m so relevant and famous. Lalung-lalo na yung mga lolo diyan na mahal na mahal ako. Maraming salamat po. I love lolos and lolas, promise.”
Komento naman ng co-host niyang si Jhong Hilario, maraming natutuwang senior citizens kay Vice. May mga nagsasabi raw kasi na gumagaling ang kanilang karamdaman kapag napapanood at napapatawa sila nito.
Reaksyon naman ni Vice, “Kaya patuloy naming ginagawa, lalung-lalo na yung ‘Tawag Ng Tanghalan’, may mga pagkakataon na yung ibang tao nagsasawa na sila sa ‘Tawag Ng Tanghalan.’
“Ang dahilan po kung bakit namin tinutuluy-tuloy yung ‘Tawag Ng Tanghalan,’ kasi yan yung pinakapaboritong segment ng mga matatanda.
“Yan yung wala na silang gagawin. Nakaupo na lang sila sa tumba-tumba, makikinig lang sila ng mga kumakanta. Kaya yun po ang ibinibigay namin sa mga matatanda.
“At ang isa sa mga pinakagustung-gusto naming pinagseserbisyuhan at pinag-aalayan ng saya ay yung mga matatanda nating nanonood sa atin.
“We love the elderly, our grandmas and grandpas. We love you lolos and lolas. Pati na rin sa mga lolong hindi ako masyadong like, I still love you po,” aniya pa.