Atom Araullo nagsampa ng P2-M civil complaint laban sa SMNI hosts na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz matapos ma-red tag

Atom Araullo nagsampa ng P2-M civil complaint laban sa SMNI hosts na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz matapos ma-red tag

NAGSAMPA ng P2-million civil complaint ang Kapuso broadcast journalist na si Atom Araullo laban sa dating Anti-Insurgency Task Force spokesperson Lorraine Badoy at host na si Jeffrey Celiz.

Ito’y may kaugnayan sa pangre-red tag umano sa premyadong news anchor pati na sa ilang miyembro ng kanyang pamilya na ginawa sa kanilang TV show sa SMNI at sa social media. 

Isinampa ni Atom ang nasabing reklamo ngayong araw sa Quezon City prosecutor’s office kasama ang abogadong si Atty. Tony La Viña at ang kanyang mga magulang. 

Nauna nang nagsampa ng kaso ang nanay ni Atom na si Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Emeritus Chairperson Carol Pagaduan Araullo, laban kina Badoy “for incessant red tagging” na nagkaroon ng matinding epekto sa kanilang organisasyon.

Narito ang kabuuan ng opisyal na pahayag ni Atom Araullo sa pagsasampa ng kasong sibil laban kina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz.

“Ngayong araw, naghain ako ng kasong sibil laban kay dating Undersecretary Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celis.  

Baka Bet Mo: Atom Araullo umalma sa fake news: Utang na loob, itigil n’yo na ang teoryang ipinangalan ako sa August Twenty One Movement o ATOM

“Kaugnay ito ng walang tigil na paninirang puri at pagkakalat ng kasinungalingan ng dalawa tungkol sa akin at sa aking pamilya sa pamamagitan ng kanilang programa sa SMNI at social media.

“Walang basehan ang kanilang mga paratang. Malinaw na layunin nila ang takutin, siraan, at udyukin ang galit ng publiko laban sa akin at sa aking pamilya sa pamamagitan ng paghahasik ng intriga. 

“Sa aking pananaw, bahagi ito ng mas malawak na panggigipit at panunipil sa malayang pamamahayag.

“Noong una, pinili kong ipagkibit-balikat ang mga paratang lalo’t walang katuturan ang mga ito. Ngunit dahil delikado ang disinformation, lalo kung hahayaan lang, nagpasya akong manindigan. 

 “Ginagawa ko ito para sa kaligtasan ng aking pamilya, ngunit sana’y makaambag din ito kahit papaano sa pagtatanggol ng press freedom as kabuuan.  

“Nais ko ring linawin na hindi ako magsasampa ng kasong kriminal laban kay Badoy at Celis sa ngayon. Tutol ako sa criminalization ng libel dahil nagagamit din ito upang gipitin ang lehitimong media. 

“Gayunpaman, kailangang pigilan at managot ng mga malisyosong pasimuno ng disinformation. Partikular na hamon ito ng ating panahon, lalo na para sa mga mamamahayag na dapat pumanig sa katotohanan,” ang kumpletong pahayag ng Kapuso broadcaster.

Related Chika:

‘It’s Showtime’ pinatawan ng 12-day suspension ng MTRCB dahil sa pagkain ng icing nina Vice Ganda at Ion Perez

Read more...