Jean Garcia sa pakikipagrelasyon: Kapag pinili mong mahalin ang isang tao unahin mo ang respeto at tanggapin mo ang lahat sa kanya
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Jean Garcia
“MAHILIG yata talaga ako sa mga bad boys eh, kaya hindi naging successful,” ang sagot ni Jean Garcia tungkol sa mga lalaking nakakarelasyon.
Maraming mga natutunan ang award-winning actress sa mga past relationship niya, kabilang na riyan ang pagmamahal muna sa sarili bago pumasok sa panibagong seryosong relasyon.
Sa nakaraang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” last Thursday, natanong si Jean kung anu-anong life lesson ang mga nagmarka sa kanyang mga past relationships.
“Ang natutunan ko, sa dami ng relasyon din na dinaanan ko, siguro number one is respeto talaga. Respeto at pagtanggap,” sagot ni Jean.
“Kapag pinili mong mahalin ang isang tao unahin mo ang respeto at unahin mong tanggapin muna ang lahat ng nasa kanya.
“Kasi kapag nasa loob ka na ng relasyon, kahit gaano mo kamahal, kapag dumating ka pa rin sa point na ‘Ay hindi ko pala kayang tanggapin ‘yung ganito niya,’ maghihiwalay at maghihiwalay kayo. So ito, pagtanggap talaga,” paliwanag ng Kapuso actress.
Sa tanong kung ano ang pinakamasayang bahagi ng pagiging single, sey ni Jean, yung wala siyang masyadong iniintindi at inaalagaan.
“Sarili mo lang (inaalagaan) at mga tao lang na gusto mo talagang alagaan,” aniya pa.
Ano naman ang pinakagusto at pinakaayaw niya sa lalaki, “Very childish at saka very matitigas ang mga ulo.
“O ‘yung mga nakilala ko, matitigas talaga ang mga ulo. Mahilig yata ako sa mga bad boys eh, kaya hindi naging successful,” natatawang chika ng seasoned actress.
Isa naman sa mga hinahangaan niyang quality sa isang lalaki ay ang kayang ipaglaban ang mga taong mahal nila, “The best in men. Kung talagang mahal ka, they will fight for you no matter what.”
Sa panayam naman namin kay Jean kamakailan, nabanggit niya na single siya ngayon pero super happy daw siya kahit walang dyowa.
Samantala, gaganap na nanay ni Barbie Forteza si Jean sa pinakabagong primetime series ng GMA, ang TV remake ng classic Sharon Cuneta-Robin Padilla movie na “Maging Sino Ka Man.”
Kaya tinanong ni Tito Boy ang aktres – kumpletuhin ang sentence na, “Maging sino ka man…” na sinagot niya ng, “Maging sino ka man nandito lang ako, naghihintay. Sana dumating ka na sa lalong madaling panahon.”
Magsisimula na bukas, September 11, ang “Maging Sino Ka Man” na pagbibidahan ni Barbie at ni David Licauco bilang sina Monique at Carding. Kasama rin dito sina Jeric Raval, ER Ejercito, Faith da Silva, Mikoy Morales, Jean Saburit, Juancho Trivino at marami pang iba.