John Arcilla bet na bet pa ring tawaging ‘Heneral’, sasabak na sa pagho-host ng bagong game show
WALONG taon na ang nakararaan nang ipalabas ang pelikulang “Heneral Luna” na mula sa produksyon ng Artikulo Uno/TBA Studios at Globe Studios ay hindi pa rin naka-get over ang award winning-actor na si John Arcilla.
Dahil kahit may panibago na siyang proyekto, ang game show ng TV 5 na “SPINGO,” “Heneral John Arcilla” pa rin ang tawag sa kanya ng buong production staff ng nasabing show.
Nabanggit kasi sa amin ng isa sa staff ng show na ito raw kasi ang gustong itawag ng aktor sa kanya.
Anyway, kung tama ang nasa Wikipedia, naunang naging co-host si John ng youth oriented show na “That’s Entertainment” noong 1989 hanggang 1992 sa GMA 7 at kabilang siya sa Thursday group.
Bago kasi sa netizens ang pagpasok ni John sa hosting dahil mas nakilala siya bilang mahusay na seryosong aktor pero sa Heneral Luna ay nakitaan ng pagka-komedyante ang aktor, lalo na kapag binabanggit niya ang salitang “punyeta” na naging tatak niya at ito rin ang joke time niya sa SPINGO.
Baka Bet Mo: Edu na-misplace ang uniform paraphernalia ng heneral: Takot na takot ako, hindi ko alam ang gagawin ko
Nabanggit ito ng TV host sa Media pre-game sa ginanap na mediacon nitong Miyerkules, September 6, sa TV5 studio sa Novaliches, Quezon City.
Ang paliwanag ni John, “Ano ‘yun deliberate ‘yun kasi alam kong hindi live at maiintindiha n’yo kasi naka-connect sa character ko ‘yung punyeta. Actually, ginagawa ko ‘yun dito (pabiro) kapag may contestant na, ‘ang tagal ninyong sumagot mauubos ang oras namin punyeta!’”
“Kailangan kong magpaka-totoo! Ganito ako ito ang totoong buhay ko, eh. Uma-acting ako as kontrabida, uma-acting ako as bida, umiiyak ako. Lahat tayo sa totoong buhay umiiyak at lahat tayo sa totoong buhay may fun side,” sey pa niya.
Ani pa niya, “So, naging totoo lang ako ang sarap magpasaya, ang sarap ng masaya, ang sarap ng tumutulong.”
Nabanggit din ng aktor na ine-edit out naman ang lahat ng salitang hindi angkop sa telebisyon.
Bukod diyan, naikuwento rin ni John na habang ginagawa niya ang SPINGO ay may shooting din siya ng tatlong pelikula niya, “definitely hahatiin ko ang acting at hosting kasi super fun talaga ang pagho-host.”
May intriguing question kay John kung siya na ang papalit bilang bagong Kuya Will (Willie Revillame) sa telebisyon.
Natawa nang husto si John at sinabing, “hindi ko po alam, kayo po ang magde-decide, the audience and the networks.”
Samantala, mapapanood na ang SPINGO simula Setyembre 11, Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 5:30 p.m. sa TV5 at co-host ni John si Spingorgeous Girl Sam Coloso.
Sa bawat episode ng SPINGO, may tatlong studio contestants ang maglalaro gamit ang kanilang Bingo digital tubes kung saan lalabas ang mga nakolektang number balls sa loob ng tatlong rounds.
Sa simula ng bawat round, paiikutin ang roleta at ito ang magsasabi kung magkano ang magiging digital prize pot.
Kung sino ang unang makakolekta ng 15 na bola, siya ang maglalaro sa Final Round at magkakaroon ng pagkakataong makuha ang lahat ng pera sa prize pot at iba pang papremyo.
Ang mga manonood sa kanilang tahanan ay maaari ring makasali sa SPINGO at magkaroon ng chance na manalo ng hanggang P100,000.
Para makasali, kailangang i-download ang SPINGO app sa Google Play Store. Pagkatapos mag-rehistro, hihintayin lamang ang text para sa e-pins para magkaroon ng digital SPINGO cards.
Pagkatapos niyan ay maaari nang umpisahan ang paglalaro habang nanonood ng show. Kapag nagkaroon na ang TV viewers ng 15 na magkakaparehong numero galing sa mga numerong nakolekta ng tatlong studio contestants bago i-anunsyo ng host ang pagtatapos ng home game, sila ang panalo.
Para sa iba pang impormasyon at exciting updates, i-follow ang official social media pages nila sa Facebook at YouTube, at bisitahin ang SPINGO website sa tv5.com.ph/spingo.
Related Chika:
Megan, Mikael ipinasilip ang ipinatatayong studio, ‘next level’ content ibabandera na
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.