Jay Sonza nakalaya na sa Quezon City Jail matapos magpiyansa ng P270,000
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Jay Sonza
PANSAMANTALANG nakalaya ang dating broadcaster at news anchor na si Jay Sonza mula sa kulungan matapos nagpiyansa ng kabuuang halaga na P270,000.
Ayon sa ulat, bago mag-alas-9 kagabi, August 22, nang payagang makalabas ng Quezon City Jail ang former TV host nang maayos ng kanyang legal counsel ang piyansa para sa 11 counts ng libel at estafa.
Base sa report ng “Frontline Tonight” ng TV5, umabot sa P270,000 ang inilagak na piyansa ni Jay Sonza — ang P260,000 ay para sa kinakaharap na kasong estafa, habang ang P10,000 at para naman sa kasong libel.
Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang inilalabas na official statement ang kampo ng dating news anchor hinggil sa kinakaharap niyang mga kaso.
Nauna rito, ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 100 noong August 17, ang mga kasong syndicated estafa at large-scale illegal recruitment laban kay Sonza.
Ngunit hindi pa siya agad nakalaya dahil nga sa iba pang asunto na kanyang kinakaharap.
Matatandaang nabalita noong August 15, ang ginawang pag-aresto sa dating TV host ng mga operatiba ng National Buereau of Investigation dahil sa kanyang mga pending case sa korte.
Base sa report ng NBI, July 18 pa nahuli si Jay Sonza sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos harangin ng Bureau of Immigration. Patungo sana siya noong araw na yun sa Hong Kong.
Hindi naman daw nanlaban ang veteran broadcaster sa mga otoridad at kusang sumama sa mga umaresto sa kanya.