Bela Padilla, JC Santos pang-best actress at best actor sa ‘Wish You Were The One’: ‘Ito na ang pinakamaganda nilang pelikula’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
JC Santos at Bela Padilla
PARA sa amin, ang pinakabagong pelikula nina Bela Padilla at JC Santos na “Wish You Were The One” under Viva Films ang pinakamaganda sa lahat ng mga ginawa nila nitong nagdaang mga taon.
Napanood namin ang movie sa naganap na private screening nito last Monday sa Viva Café sa Cubao, Quezon City na dinaluhan ni JC at ng iba pang members ng cast.
Wala si Bela that night dahil nasa London siya ngayon kaya sayang at hindi niya nasaksihan ang napakalakas na hiyawan at palakpakan after ng screening
In fairness, muli kaming pinakilig, pinatawa at pinaiyak nina Bela at JC sa latest movie nila na idinirek ni Derick Cabrido mula sa panulat ni Enrico Santos.
Ito ang unang romantic movie ni Direk Derick Cabrido na unang nakilala sa mga horror movies tulad ng “Clarita”, “U-Turn” at “Deadly Love.” Kaya naman shookt ang maraming nakapanood sa pelikula na kering-keri rin pala niya ang magpakilig at magpaiyak.
Ito naman ang ikalimang pelikulang pinagsamahan nina JC at Bela after ng “100 Tula Para Kay Stella” (2017), “The Day After Valentine’s” (2018), “On Vodka, Beers, and Regrets” (2020), at “366” (2022).
Hindi na kami magtataka kung humakot ng parangal ang “Wish You Were The One” sa susunod na awards season dahil bukod sa napakagaling ng performance nina JC at Bela pati na rin ng co-star nilang si Kean Cipriano, solid na solid din ang pagkakalahad ng kuwento nito.
At dahil superb ang akting nina Bela at JC sa movie, hindi imposibleng masungkit nila ang best actress at best actor award sa iba’t ibang award-giving bodies next year.
Lalo na si Bela na iba’t ibang klase ng emosyon ang ipinaramdam sa mga manonood. Super clap din ang audience sa mga comedy scenes ni Bela na effortless ang pagpapatawa sa ilang eksena nila ni JC.
Sa kuwento ng “Wish You Were The One”, gumaganap si Bela bilang si Astrud, isang senior advisor sa curtain store. Nagmula sa mahirap na pamilya, kaya natuto siyang maging madiskarte, praktikal, at laging may inaabot na pangarap.
At ngayon, gusto niyang magkabalikan sila ng dating boyfriend na si Jordan (Kean Cipriano).
Si JC naman ay si Ellis, isang landscaper. Tahimik at hindi gaanong cool, pero sa kabila nito, may nobya siyang maganda, sikat, at tinuturing na prinsesa sa mga party, si Zoe (Franki Russel).
Nagtagpo sina Astrud at Ellis sa panahong kailangan nila ng kapareha sa isang kasal. Imbitado si Ellis at Zoe sa kasal ng kanilang kaibigan, pero break na ang dalawa.
Nag-aalangang pumunta si Ellis dahil alam niyang gumagawa ng paraan ang kanilang mga kaibigan para magkabalikan sila ni Zoe. Nagsinungaling siya na ikakasal na rin siya, at dito nga eeksens si Astrud.
Si Ellis ang paraan ni Astrud para makapasok sa kasal kung saan chef si Jordan. Sa kanilang pagpapanggap, napagtanto nina Astrud at Ellis na itinadhana talagang magtagpo sila. Ramdam din nila ang magic kapag magkasama sila.
Ngayong naiintindihan na nila ang tunay na dahilan kung bakit hindi nagtagal ang mga dati nilang relasyon, kaya ba nilang sumugal sa nararamdaman nila para sa isa’t isa?
Kasama rin sa movie sina Kaladkaren, Romnick Sarmienta, Andrea Babierra at Andrew Muhlach. Guys, showing na sa mga sinehan nationwide ang “Wish You Were The One” simula sa August 23. Ito’y mula sa Viva Films, Manila Entertainment, Studio Viva at Clever Minds, Inc.