Kim Chiu inireklamo rin sa MTRCB dahil sa paggamit ng salitang ‘vibrator’ at ‘p*k p*k shorts’ sa It’s Showtime, makatarungan nga ba?
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Kim Chiu
HINDI umano natapos ang ginagawang deliberation ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) last week tungkol sa mga reklamo laban sa “It’s Showtime” ng ABS-CBN at “E.A.T.” ng TV5.
Ito ang dahilan kung bakit hindi nakapaglabas ng desisyon o resolution ang MTRCB sa pangunguna ni Chairperson Lala Sotto sa mga ni-review nilang episode ng mga nabanggit na noontime show na nagkaroon daw ng violation.
Ang tinutukoy namin ay ang sinasabing “indecent acts” umano ng magdyowang Vice Ganda at Ion Perez sa isang segment ng “It’s Showtime” na nag-ugat sa “pagkain” nila ng icing sa cake sa harap ng mga bata.
Inireklamo naman ang “E.A.T.” nina Tito, Vic & Joey nang biglang magmura si Wally Bayola on national TV habang nagho-host sila ni Jose Manalo ng “Sugod Bahay mga Kapatid” segment.
Inaasahang ngayong linggo makapaglalabas ng desisyon ang MTRCB hinggil sa mga nasabing reklamo.
Samantala, hindi pa man nareresolbahan ang reklamo kina Vice at Ion ay may bago na namang complaint laban sa “It’s Showtime” na maaaring nakarating na rin sa MTRCB.
Ito’y dahil naman sa “vibrator” statement ng Kapamilya TV host-actress na si Kim Chiu. Base sa mga nabasa naming post sa X (dating Twitter), naganap daw ang insidente sa “Tawag Ng Tanghalan” noong August.
Nagkomento kasi si Kim sa performance ng isang contestant sa nasabing segment ng, “Ang ganda ng vibrator ng boses mo.”
Isang simpleng pangungusap na nabigyan nga ng malisya ng ilang netizens na kaagad nagreklamo sa MTRCB. Sana raw ay nag-iisip daw muna si Kim bago magbitaw ng salita on national TV dahil mainit nga ang MTRCB ngayon sa mga violations.
Pagtatanggol naman ng fans, wala namang malisya ang pagkakabanggit ni Kim sa “vibrator” na ang ibig marahil niyang sabihin ay “vibrato” o isang uri ng timbre ng boses.
Bukod dito, siguradong kasama raw sa dini-discuss ngayon ng MTRCB ay ang isa pang naging pahayag ni Kim sa isang episode ng kanilang noontime show — ito ay ang pagbaggit niya sa salitang “p*kp*k shorts.”
Pero in fairness, agad naman siyang kinorek ng co-host niyang si Jhong Hilario at sinabing “kwek kwek shorts.” Hirit ni Kim, “Oo, kwek kwek shorts!”
Kayo mga ka-BANDERA, sa tingin n’yo dapat bang ireklamo si Kim dahil sa mga nasabi niyang mga salita on national TV?