Wally handang tanggapin ang desisyon ng MTRCB matapos magmura on national TV, hirit ni Jose: ‘Ke kasalanan mo o hindi, mag-sorry tayo’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Jose Manalo at Wally Bayola
“KASALANAN mo o hindi, mag-sorry tayo. Wala namang masama, e.” Yan ang bahagi ng pahayag ni Jose Manalo matapos ireklamo ang “E.A.T.” sa Movie And Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ito’y may kinalaman pa rin sa pagmumura ng kanyang kaibigan at co-host na si Wally Bayola sa isang episode ng kanilang noontime show sa TV5 na naging dahilan para ipatawag ng MTRCB ang kanilang producers.
Humarap sina Jose at Wally sa ilang members ng entertainment press nitong nagdaang Huwebes, August 17, para sa mediacon ng bago nilang show sa Kapatid Network, ang new version ng ultimate prank show na “Wow Mali: Doble Tama”.
Dito, nahingan nga ang dalawang veteran comedian at TV host ng update tungkol sa pagpapatawag sa kanila ng MTRCB matapos ang pagmumura ni Wally on air na ikinabigla nga ng mga manonood.
“Yes po. May pag-uusap po ang MTRCB at sa production. Siyempre, hindi pa ako pwede magbigay ng salaysay and I want to keep it privately muna kasi nga, ongoing pa ‘yung pag-uusap,” ang pahayag ni Wally sa press pagkatapos ng kanilang presscon.
Nag-issue na ng public apology si Wally pati na rin si Jose matapos ang insidente at handa rin daw ang una na gawin kung anuman ang magiging desisyon ng MTRCB.
“Opo at kung ano pang further na pwedeng gawin pa, willing naman po ako,” sey ni Wally.
Sabi naman ni Jose, “Kesa patatagalin pa natin. ‘Wag nang patagalin. Ke kasalanan mo o hindi, mag-sorry tayo.
“Wala namang masama e. Hindi nakakabawas ng pagkatao ‘yung pagso-sorry.
“The more na nagpapakumbaba ka, the more na mas maganda ‘yung ginagawa mo. Hindi mo kailangan mag-mataas dahil isa lang ang nasa taas at isa lang ang Superstar,” aniya pa.
Matatandaang ipinatawag ng MTRCB sa pangunguna ni Chairperson Lala Sotto ang management ng “E.A.T.” matapos makapagsalita si Wally ng hindi maganda sa August 10 episode ng show partikular sa segment nilang “Sugod Bahay Mga Kapatid”.
“Said scene is in violation of Section 2 (B), Chapter IV of the Implementing Rules and Regulations of Presidential Decree No. 1986 (PD No. 1986). The hearing date is on 14 August 2023, Monday, at the MTRCB Offices in Timog Avenue, Quezon City.
“The Board said any violation of PD No. 1986 and its Implementing Rules and Regulations governing motion pictures, television programs, and related promotional materials shall be penalized with suspension or cancellation of permits and/or licenses issued by the Board and/or with the imposition of fines and other administrative penalty/penalties,” ayon sa statement ng MTRCB.
Samantala, moving on sa nasabing isyu, doble ang katatawanan, doble ang kalokohan, at doble naman ang kasiyahang hatid sa grand comeback ng longest-running at multi-awarded prank show ng bansa sa mas pinalakas na “Wow Mali: Doble Tama,” tuwing Sabado, simula sa August 26, 6:15 p.m. sa TV5 at 7 p.m. sa BuKo Channel.
Nakilala ang “Wow Mali” bilang kauna-unahang prank show ng Pilipinas na kinagiliwan ng mga Pilipino simula nang umere ito noong 1996.
Naging instant hit ang mga kuwelang “candid camera” pranks ng programa, dagdag pa ang witty hosting ng original prank master na si Joey de Leon, kaya naman naging household term na ang “Wow Mali” sa mga Pinoy.
Ngayong buwan, magbabalik ang legacy show na ito ng TV5 para muling maghatid ng kakulitan, kalokohan at katuwaan sa “Wow Mali: Doble Tama,” sa pangununa ng kilalang comic duo na sina Jose Manalo at Wally Bayola bilang mga bagong prankmasters ng programa.
Co-produced ng APT Entertainment at Cignal TV para sa TV5, ang “Wow Mali: Doble Tama” ay magbibigay ng times two na kasiyahan at sorpresa sa hatid nitong new-generation humor, nakakatawang segments, at kaabang-abang na parodies.
Huwag palampasin at “maki-CSL (Can’t Stop Laughing)” sa premiere ng “Wow Mali: Doble Tama,” sa August 26.