Pura Luka Vega ‘persona non grata’ na rin sa Occidental Mindoro

Pura Luka Vega ‘persona non grata’ na rin sa Occidental Mindoro

PHOTO: Instagram/@puralukavega

MULING idineklarang “persona non grata” ang drag queen na si Pura Luka Vega.

Sa pagkakataong ito, sa probinsya naman ng Occidental Mindoro.

Ang ipinataw na parusa ay inaprubahan mismo ng Occidental Mindoro Provincial Council sa pamumuno ni Vice Governor Diana Tayag.

“Ang ‘Persona Non Grata’ para kay Amadeus Fernando Pagente, alias ‘Pura Luka Vega’ [ay] dahil sa hindi kaaya-ayang ‘drag show’ ng personahe ni Hesukristo at dasal na ‘Ama Namin’ na kanyang ginawa na tila hindi niya pinagsisisihan,” sey ng council sa inilabas na pahayag.

Dagdag pa, “Ito ay kinakailangang gawin upang magsilbing aral at hindi na pamarisan.”

Baka Bet Mo: Kim Atienza kay Pura Luka Vega: I sincerely hope you develop the empathy

“Upang maipagpatuloy ang paggalang at pananampalataya sa ating Diyos Amang Lumikha, hindi lamang ng mga kabataan, kundi pati na rin ng buong Mamamayang Mindoreño,” paliwanag pa sa statement. 

Magugunitang maraming lugar na ang nagdeklara ng kaparehong parusa sa drag queen.

Kabilang na riyan ang Maynila, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, General Santos City, Cagayan de Oro City, Laguna at Bukidnon.

Bukod diyan, sinampahan din siya ng patung-patong na reklamo ng religious groups na Hijos del Nazareno – Central at Philippines for Jesus Movement.

Ayon sa mga grupo, nilabag ni Pura Luka ang Article 201 Section 2 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa “indecent shows, publications or exhibitions,” gayundin ang Section 6 ng Cybercrime Prevention Act.

Noong nakaraang linggo, naglabas ng saloobin ang drag performer ukol sa sunod-sunod na pagkakadeklara sa kanya bilang “persona non grata.”

“Tell me EXACTLY what I did wrong. I’m open for a dialogue and yet cities have been declaring persona non grata without even knowing me or understanding the intent of the performance,” sey niya sa kanyang X (dating Twitter) account.

Saad pa  niya, “Drag is art. You judge me yet you don’t even know me.”

Related Chika:

Read more...