Jillian Ward gustong pasukin ang medical field pero first choice ang kursong Law; 2 babae pinagsabay noon ni Rainier Castillo
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Rainier Castillo at Jillian Ward
NARANASAN na rin pala ng Kapuso actor na si Rainier Castillo na magdyowa nang sabay at napatunayan niyang napakahirap ng ganu’ng set-up.
Dalawang babae ang pinagsabay noon ng “StarStruck” Season 1 Avenger dahil gusto lang daw niyang malaman ang pakiramdam ngunit nalaman niyang hindi pala ito madali.
“Matagal na matagal na po ‘yon,” ang pahayag ni Rainier sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” last Tuesday nang matanong tungkol sa mga naging experience niya with girls.
“Sa kapusukan. Gusto ko lang po masubukan noong mga panahon na ‘yun, tapos siguro curious ako kung anong pakiramdam, pero mahirap din pala,” ang diretsahang pahayag ni Rainier na hindi na gaanong aktibo sa showbiz.
Tumagal lang daw ng isang buwan ang pagtuhog ni Rainier sa dalawang girls dahil hindi rin niya kinaya ang pressure ng naturang set-up.
“Mahirap ‘yung time management, hindi puwedeng isa lang ‘yung cellphone mo, dapat magkaiba yan,” paliwanag ng aktor.
Sa huli, sinabi naman ni Rainier na pinagsisihan na niya ang kanyang ginawa at sana’y huwag siyang gayahin ng mga kabataan at ng lahat ng kalalakihan.
Samantala, makalipas ang ilang taon, muling magbabalik sa showbiz ang aktor na talagang na-miss daw niya nang bonggang-bongga.
Mapapanood si Rainier sa upcoming Kapuso series na “The Black Rider” na pinagbibidahan nina Ruru Madrid at Matteo Guidicelli.
* * *
Nang dahil sa tagumpay ng “Abot-Kamay Na Pangarap”, naisipan din ng lead star nitong si Jillian Ward na pasukin ang medical field.
Sa interview ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nai-share niya ang tungkol sa kanyang pag-aaral na patuloy niyang pinagsusumikapan sa kabila ng pagiging busy sa showbiz.
“Ngayon po, naiisip ko na po siya kasi sabi po sa amin ng consultant po namin na doktor. Puwede raw po akong mag-aral ng med kasi raw po ‘yung memorization ko raw po bagay daw po sa field nila,” ani Jillian.
Sa tanong kung anong balak niyang kurso sa college, “Ako po kasi gusto ko po talagang i-pursue law kapag may time na po. Pero ngayon ang course na kukunin ko is business.”
Recently, nagtapos na si Jillian ng senior high school at naiuwi pa ang highest honor.