Ivana Alawi type maka-collab ng singer-businessman na si Gari Escobar; na-motivate nang bongga matapos mabiktima ng pambu-bully
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Gari Escobar at Ivana Alawi
KUNG mabibigyan ng chance, gustong maka-collab ng singer-songwriter na si Gari Escobar ang Kapamilya sexy actress at vlogger na si Ivana Alawi.
Makalipas ang mahabang panahon, babalikan muli ni Gari ang kanyang passion sa music sa pamamagitan ng kanyang second album na may titulong “Ikaw Lang”.
Nakachikahan namin kamakailan ang musician-entrepreneur at 2020 Aliw Award Breakthrough Artist of the Year,
at dito nga niya nabanggit na excited na siyang iparinig ang mga bago niyang kanta na produkto ng kanyang pagmamahal sa music industry.
At sana raw, kapag ginawa na niya ang music video ng kanyang mga susunod na kanta ay makasama niya bilang leading lady si Ivana Alawi dahil talaga raw gustung-gusto niya ang dalaga.
Nakilala si Gari noom sa kanyang mga novelty songs na hanggang ngayon ay naririnig pa rin sa radyo tulad ng “Baguio”, “Lumaban Ka,” “Dito sa Piling Ko,” “Hanap Ko Pa Rin” at “Ayaw Kong Makita Ka.” Naka-collab naman niya rito ang premyadong composer na si Vehnee Saturno under Ivory Records.
But this time, sabi ng singer gusto naman niyang ipakita at iparinig ang iba pang tunog ng kanyang musika at nais din niyang makisabay sa uso. Hanggang sa maisipan na nga niyang maglabas ng second album, ito ngang “Ikaw Lang.”
Kasama rin dito ang “Tanging Ikaw” na gusto niyang kantahin para kay Bea Alonzo kapag ikinasal na sila ni Dominic Roque. Isa rin daw kasi ang Kapuso actress sa mga idol niya.
Maraming pinaghuhugutan si Gari sa pagsusulat ng kanta tulad na lang ng 37 beses na pagkabigo sa pag-ibig, ang naranasang pambu-bully noong kabataan niya, mga rejections at panloloko ng mga taong inakala niyang mga kaibigan.
Ngunit hindi sumuko si Gari at pinatunayang kaya niyang abutin ang lahat ng kanyang mga pangarap sa buhay. In fact, isa na siyang successful businessman ngayon at nagmamay-ari rin ng mga properties.
Very soon ay ilalabas na sa Spotify ang mga kanta sa second album ni Gari at umaasa siyang maraming makaka-relate at tatangkilik sa mga ito.
Nauna rito, naikuwento rin ni Gari ang pang-aalipusta sa kanya noon ng ilang tao na tumatawag sa kanya ng “Martian,” “bobo,” at “pangit.”
“Marami nagdi-discourage sa akin. Late na raw ako mag-recording, pero sabi ko, kailan pa? Pag 70 na ako magsisisi na ako. Idol ko nga, si Michael Jackson was 54 years old pero na nagsasayaw pa.
“Marami pa akong gustong gawin. Gusto kong sumayaw habang kumanta, parang si Michael Jackson. Gusto ko gumawa mga songs na mga upbeat naman.
“Kasi ang nangyari sa akin, malungkutin kasi akong bata, lalo na pag may nambu-bully, nagsusulat ako. Until dumating ‘yung time na tinitingnan ko ‘yung mga sinulat ko, sabi ko, balang araw magiging mga kanta ito. Na-inspire ako,” aniya.
Kung mabibigyan ng chance, gusto rin niyang makatrabaho sina Bela Padilla, Rosanna Roces at ang kanyang idol na si Superstar Nora Aunor.