Sen. Grace Poe namahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Calumpit, Bulacan
By: Antonio Iñares
- 1 year ago
Sen. Grace Poe
NAGPADALA ng food packs at hot meal si Sen. Grace Poe sa may 500 na katao na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Calumpit, Bulacan nitong nagdaang Sabado.
Sa pamamagitan ng non-government organization na Panday Bayanihan Foundation, tumanggap ang mga benepisyaryo mula sa Barangay Palimbang sa Calumpit ng bigas, instant noodles, canned goods at instant coffee.
Pinangunahan ni Brian Poe-Llamanzares na anak at chief-of-staff ni Sen. Poe ang pamamahagi na naganap sa Calumpit municipal hall para sa mga nasalanta ng pagbaha.
“Ilang ulit mang dumaan ang mga pagsubok tulad nito, asahan nyo na lagi nyong kaagapay si Sen. Grace Poe at ang Panday Bayanihan para kayo’y tulungan,” ayon kay Poe-Llamanzares na chairperson ng FPJ Panday Bayanihan Foundation.
Nakibahagi rin si Calumpit Mayor Glorime “Lem” Faustino at iba pang opisyal ng bayan sa pamamahagi ng food packs.
“Nakakataba ng puso ang patuloy na pagbuhos ng tulong at suporta sa atin mula sa ating mga national leader tulad nina Senator Poe at Brian Poe-Llamanzares,” pahayag ni Faustino.
Maliban sa food packs, tumanggap din ng lugaw ang may 700 na residente at 500 pakete ng vitamin C upang palakasin ang kanilang resistensiya at pangangatawan laban sa mga sakit.
Nailagay sa state of calamity ang lalawigan ng Bulacan dahil sa malawakang pagbaha dulot ng Habagat na pinalakas ng bagyong “Egay.”
Libu-libong pamilya ang inilikas at milyong halaga rin ng mga ari-arian, imprastraktura at mga pananim ang nasira dulot ng pagbaha at malakas na pag-ulan sa Bulacan.
Ang FPJ Panday Bayanihan Foundation na ang pangalan ay hango sa sikat na serye ng pelikulang “Ang Panday” na pinagbidahan ng ama ni Senator Poe na si Fernando Poe Jr. ay itinatag noong 2013 matapos manalanta ang bagyong “Maring.”
Layunin ng grupo na pag-ibayuhin ang bolunterismo at paglilingkod sa pamayanan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapus-palad at sa mga nasasalanta ng natural at man-made disaster.