Rey Valera ibinuking kung bakit tinanggihan ni Rico Puno na kantahin ang OPM classic hit na ‘Ako Si Superman’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Rey Valera at Rico Puno
PAMILYAR ba kayo sa classic OPM hit na “Ako Si Superman” na isinulat at kinanta ng award-winning veteran singer-songwriter na si Rey Valera?
Sa mga kaedad namin, siguradong isa ito sa mga favorite n’yong kantahin sa mga videoke sessions with your barkada kapag may mga party at celebration.
Kuwento ni Rey, ginawa niya talaga ang nasabing kanta para sa yumaong OPM legend na si Rico J. Puno. Aniya, isa si Rico sa mga iniidolo niya noon sa entertainment industry.
“Ginawa ko po ‘yan para kay Rico Puno. Really, honestly. Idol namin siya noon,” pag-amin ni Rey sa nakaraang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda.”
“Nakita ko siya sa TV, siya ang nagpauso ng pangit sa Pilipinas eh. Kapag nakita mo siya sa TV, sabi ko ‘Kung puwede na itong mukha na ito, puwede na rin ako,’” ang biro chika ng beteranong singer na naging malapit din na kaibigan ni Rico.
Pero nang ialok na kay Rico ang kanta, tinanggihan niya ito, “Pumunta ako sa Raon, in-apply ko ‘yung kantang ito. Hindi ko alam, tinanggihan niya pala, kaya naman sa akin napunta ‘yung kanta na ‘yan. Dahil ang sabi, puno na raw ang album ni Rico Puno.”
Nang minsang magkita sila ni Rico, napagkuwentuhan nga nila ang tungkol sa “Ako Si Superman” na talaga namang naging super hit noon.
“Ang sabi niya kasi na kaya niya raw tinanggihan dahil mayabang na siya tapos Superman pa. Kaya lang there was this one time na bago siya mamatay, ang sabi niya, kung kantahin namin ‘yan.
“Talagang ini-insist niya na kantahin niya ‘yan. Nag-duet kami tapos tuwang-tuwa siya, sabi niya ‘Bagay pala sa akin ‘no?’ Sabi ko ‘Oo, talagang ginawa ko ‘yan para sa ‘yo eh,” sey pa ni Rey.
Kuwento pa ng OPM hitmaker, ang duet nila ni Rico sa nasabing kanta ang isa sa mga huling alaala niya sa namayapang kaibigan. Pumanaw si Rico noong October, 2018 sa edad na 65.
Pagbabalik-tanaw pa ni Rey sa alaala ni Rico, “Bully ‘yun eh, pero nami-miss mo ‘yung mga wisdom niya na galing sa kalsada, street-wise. Marami kang mapupulot sa kaniya. Akala mo puro kalokohan ‘yun pero, iba.
“Kaya masasabi ko masuwerte ako, tayo, buhay pa tayo, eh. Pero marami na akong kaibigan, kakilala na wala na ngayon,” sabi pa niya.