Drag queen Pura Luka Vega kinasuhan na dahil sa panggagaya kay Jesus Christ at sa pagkanta ng remix version ng ‘Ama Namin’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Pura Luka Vega
KINASUHAN na ang controversial drag queen na si Pura Luka Vega dahil sa kanyang viral video kung saan ginaya niya si Jesus Christ gamit ang religious song na “Ama Namin”.
Nahaharap ngayon si Pura Luka o Amadeus Fernando Pagente sa tunay na buhay sa mga kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nakasaad sa nasabing batas ang probisyon na, “those who, in theaters, fairs, cinematographs, or any other place, exhibit indecent or immoral plays, scenes, acts, or shows, whether live or in film, which are prescribed by virtue hereof, shall include those… who offend any race or religion… are contrary to law, public order, morals, and good customs, established policies, lawful orders, decrees, and edicts.”
Ang mga opisyal ng Philippines for Jesus Movement sa pangunguna nina Bishop Leo Alconga, Pastor Romie Suela, at Pastor Mars Rodriguez ang naghain ng kaukulang kaso dahil sa drag art performance ni Pura Luka.
Napanood nila ang video na ipinost ng drag queen sa kanyang X account (dating Twitter) ang panggagaya niya kay Hesukristo habang sumasayaw at kumakanta ng remix version ng “Ama Namin”.
Sinasabayan naman ito ng mga taong nakapaligid sa kanya na enjoy na enjoy sa kanilang ginagawa.
Umani ng batikos ang viral video ni Pura Luka mula sa religious groups at mga moralista na nagsabing lantarang pambabastos na ang kanyang ginawa sa Simbahan at sa Panginoong Diyos.
Humingi naman ng sorry si Pura Luka sa lahat ng na-offend o nasaktan sa kanyang drag art performance pero nanindigan pa rin na wala siyang ginagawang masama.
Sa magkakahiwalay na kasong isinampa ng mga leader ng Philippines for Jesus Movement sa Quezon City Prosecutor’s Office, umaasa sila na mapaparusahan ang taong dapat managot sa isyung ito.
“The drag performance of Pagente is not only terribly blasphemous, offensive, disrespectful, insulting, unacceptable, and outrageous to the Christian religion and belief, it also causes a devalued and negative image of the Lord Jesus Christ, which Christians hold in the highest veneration,” ang pahayag ng mga nagdemanda.
Nauna rito, idineklara namang “persona non grata” si Pura Luka sa General Santos City nang dahil sa umano’y pambabastos niya sa “Ama Namin”.
Bukas ang BANDERA sa magiging tugon ng drag queen sa mga kasong isinampa laban sa kanya.