Talent manager ni Liza at kasosyo ni James naka-detain sa Bicutan Immigration dahil sa iba’t ibang kaso, hindi pinayagang magpiyansa
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
James Reid, Jeffrey Oh at Liza Soberano
FOLLOW-UP ito sa naisulat namin dito sa BANDERA kahapon tungkol sa pagkakahuli ng Bureau of Immigration kay Jeffrey Oh, ang business partner ni James Reid sa talent management na Careless Entertainment.
Si Jeffrey Oh ang tumatayong Chief Executive Officer o CEO ng Careless kung saan isa si Liza Soberano sa kanilang mina-manage.
Sa kasalukuyan ay nakakulong si Jeffrey Oh sa Bureau of Immigration Bicutan Detention Center na naghain daw ng piyansa pero hindi pinagbigyan.
Ayon sa aming source ay may ikinasang entrapment kay Jeffrey Oh na naaktuhan umanong pumipirma ng kontrata na hindi binanggit kung anong proyekto ito sa amin nang hulihin siya.
Sabi nga sa report ni Nanay Cristy Fermin sa kanyang “Cristy Ferminute” radio program sa Radyo 5 92.3 TRUE FM ay walang maipakitang dokumento si Jeffrey Oh para mag-operate ng negosyo sa Pilipinas dahil isa siyang banyaga.
Bahagi ng report ni ‘Nay Cristy, “Paano hiningi ang mga dokumento sa kanya, wala pala siyang mga papeles na nagsasabi at nagbibigay ng kalayaan sa kanya to operate business in the Philippines.
“Wala rin siyang SEC registration, wala! Inakyat siya roon ng mga otoridad dahil may mga reklamo laban sa kanya. Alam mo ba (baling sa co-host niyang si Rommel Chika) baka ipa-deport itong Jeffrey Oh, haharap siya sa deportation,” sabi pa.
Base sa sitsit ng aming source nang puntahan si Jeffrey Oh ng mga otoridad sa kanyang opisina sa Poblacion, Makati City ay nagulat siya dahil may kasama raw media na tila set-up.
Sabi pa ng aming source, “Nandoon si James Reid nu’ng hulihin si Jeffrey Oh at nagulat din.”
At dahil isa nga ang ama ni James na si Ginoong Malcolm Reid sa nagreklamo kay Jeffrey Oh ay ang malaking tanong, kumusta na ang kanilang pagkakaibigan at bilang magkasosyo sa Careless Entertainment.
Natanong namin ang aming source kung sakaling ma-deport na si Jeffrey Oh ay posible pa rin naman siyang makipag-negosasyon sa mga future projects ng talents ng Careless Entertainment dahil sa teknolohiya ngayon na puwedeng idaan sa zoom meetings.
At dahil si James Reid naman ang Presidente at founder ng Careless Entertainment ay maaaring solo na niya ang pamamahala rito o depende sa usapan nila ng business partner niya.
Anyway, nananatiling bukas ang BANDERA sa panig ni Jeffrey Oh o ng kahit sino sa kampo niya para sa ikaliliwanag ng isyu.