Ruru Madrid idol na idol si Matteo Guidicelli sa pagiging sundalo, gusto ring sumabak sa military training: ‘Lahat ng ginagawa niya, pangarap ko rin’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Ruru Madrid at Matteo Guidicelli
NA-INSPIRE nang bonggang-bongga ang Kapuso Action-Drama Prince na si Ruru Madrid sa pagiging miyembro ng military ni Matteo Guidicelli.
Magkasama ang dalawang aktor sa upcoming action series ng GMA 7 na “Black Rider“. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakatrabaho sina Ruru at Matteo sa isang acting project.
Ayon sa boyfriend ni Bianca Umali, flattered daw siya na makasama sa isang napakalaking project si Matteo dahil bukod nga sa magaling itong TV host ay inspirasyon din niya ito sa pagiging sundalo.
“Actually, sobrang nag-enjoy ako with Matteo kasi tagal naming nag-usap sa tent. Buong araw kaming magkasamang dalawa.
“Ine-enjoy talaga namin iyong pag-uusap. Sobrang na-inspire ako sa ginagawa niya. Naging scout ranger siya. Nag-Iron Man na rin siya before.
“Parang lahat ng ginagawa niya, pangarap ko rin. Siya iyong nagbibigay ng advice sa kung ano ang dapat kong gawin.
“Ineengganyo rin niya akong mag-skydive na gusto ko rin namang matutunan. Nagkita rin kami sa gala,” chika ni Ruru nang makorner siya ng ilang members ng entertainment press bago magsimula ang premiere night ng “The Cheating Game.”
Sinuportahan ng aktor ang mga bida ng pelikula na sina Rayver Cruz at Julie Anne San Jose na malalapit din niyang mga kaibigan.
Ayon kay Ruru, sinabihan din siya ni Matteo na hindi biro ang pumasok sa reserved force ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Bukod daw sa physical training, kailangan din daw ang matinding disiplina sa sarili.
“Actually, ikinuwento ko rin sa kanya na dream ko ring maging sundalo. Sabi ko, gusto ko talagang maging scout ranger pero ikinuwento niya sa akin na hindi rin daw madali ang maging scout ranger, 45 days na talagang sobrang hirap pero sobrang worth it naman daw,” pagbabahagi ng aktor.
Feeling naman ni Ruru ay kakayanin niya ang hirap ng training sa pagiging reservist, “Siguro kung talagang gusto mo, wala namang imposible kahit gaano pa kahirap iyon.
“Siguro lalo na kung nararamdaman mo na talagang gustong mong matupad iyong pangarap mo . Kakayanin ko iyong 45 days,” aniya pa.
Samantala, nakumusta naman ng press sa binata ang reunion nila ng dati niyang leading lady na si Kylie Padilla. Muli nga silang magtatambal sa seryeng “Black Rider.”
Una silang nagsama sa Kapuso fantasy series na “Encantadia” at sinundan ng romcom series na “TODA One I Love.” Kaya naman may nanukso tungkol sa
May nang-urot naman sa kanya tungkol sa past nila ni Kylie.
Sa isang panayam kasi ay inamin ng aktor na super crush niya noon aktres. Natatawang sagot ni Ruru, “Anong past? Wala kaming past. Marami kaming past projects. Baka isipin ng lahat ng tao, lahat na lang, crush ko. Ha-hahaha!”
“Actually, sobrang magkaibigan kami ni Kylie because of “Encantadia and I’m glad na may project kami uli,” sey pa ni Ruru.