HINDI naman pala tinanggal si Awra Briguela sa programa nila ni Maja Salvador na “Emojination” na napapanood sa TV5 kundi siya pala mismo ang hindi nakakasipot sa tapings.
Nakakuwentuhan namin ang taga-production na responsible sa “Emojination” at sa pagkakaalam niya ay may mga episodes na hindi ito nakakapag-taping.
Sabi ng aming source, “May mga episodes na di siya (Awra) nakapag-taping pero done na kasi ang taping ng first 2 seasons eh. So, marami pa naman siyang nakabangko.”
Dagdag pa niya, “siguro around 10 episodes ang di siya nakapag-tape, so, si Miles Ocampo nag pinch-hit sa kanya.”
Alam naman ng lahat na may pinagdadaanan ngayon si Awra dahil sa pagkakasangkot nito sa gulo noong Hunyo 29 sa isang bar sa Poblacion, Makati City at nakulong ng ilang araw.
Pero ngayon ay pansamantalang nakalalaya ang aktres sa pamamagitan ng piyansa at kahit na nasa labas na siya ay hindi pa rin siya nagre-report sa tapings ng “Emojination” at bilin din sa aktres na babalik siya kapag tapos na ang kaso niya.
Sabi namin na sana ay makabalik si Awra sa season 3 ng “Emojination” since magkakaroon ng break ang programa pagkatapos ng season 2.
Sabi naman ng aming kausap, “I am praying that she can still be part of the show because malaki ang contribution niya sa program. But we will see.”
Ang “Emojination” ay line-produced ng APT Studios at Buco Channel. Sa kasalukuyan ay hindi pa kami masagot kung kasama pa nga si Awra sa pagbabalik ng game show nila ni Maja.
At kaya si Miles ang pumalit kay Awra ay dahil under Crown Artist Management, Inc ang aktres na talent agency naman ni Maja kasama ang fiancé nitong si Rambo Nunez.
Mula nang lumaya naman si Awra sa kulungan noong unang linggo ng Hulyo ay wala ng balita tungkol sa kanya at kung nasaan siya ngayon, pero ang sinigurado sa amin ay grounded ito at hindi siya puwedeng lumabas ng bahay maliban na lang kung may hearing siya sa korte.
May mga nagsabing sinabon siya nang husto ng manager niyang si Vice Ganda at bilang parusa nga ay hindi siya maaring makipagkita sa friends niya na kasama niya sa gabi ng gulo.
Bukas ang BANDERA sa panig ni Awra o ng manager niyang si Vice Ganda tungkol sa sinasabing hindi pinalalabas ang aktor.
* * *
Alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na itaguyod ang media and information literacy sa bansa, inilunsad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Responsableng Panonood (RP) kamakailan sa Trinoma Mall, Quezon City.
Baka Bet Mo: Gladys Reyes hindi pinersonal si Awra Briguela nang tawaging ‘batang-hamog’: ‘Sinusunod ko lang ang script!’
Sa kanyang talumpati, sinabi ni MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio na ang RP Campaign ay tugon ng Board sa patuloy na pagbabago at pag-unlad ng media landscape. Hinikayat niya ang bawat Pilipino na isabuhay ang responsableng panonood at responsableng pag-Klik.
Binigyang-diin din niya ang kritikal na papel ng pamilya, lalo na ng mga magulang, sa paghubog ng pagkatao ng batang Pilipino.
“Nais naming bigyang-pansin ang kahalagahan ng paghubog sa karakter ng ating kabataan.
“Naniniwala kami na ang mabuting asal ay nagsisimula sa ating mga tahanan. Kinikilala natin na ang pamilya ay pundasyon ng ating lipunan at ugat ng ugaling nagpapayaman sa magandang kinabukasan.”
Sinabi rin ni MTRCB Vice Chairperson Njel De Mesa na sa ilalim ng RP campaign ay ang mga iba’t ibang aktibidades para sa mga miyembro ng pamilyang Pilipino upang magabayan nila ang mga batang manonood sa pagpili ng mga makabuluhang pelikula.
Sa kanyang key note address, binanggit ni Dr. Lillian “Ali” Gui, isang rehistradong sikolohista, child psychotherapist at MTRCB Board Member, ang mahalagang tungkulin ng mga magulang sa paggabay sa mga bata sa panahon ng digital.
“Huwag nating hayaan ang ating mga anak na maging alipin ng cellphone. Nasa kamay natin bilang mga magulang ang paghubog sa kinabukasan ng ating mga anak. Hindi sa kamay ng cellphone.”
Dumalo sa okasyon ang ilang key government at non-government institutions gaya ng Department of Education – Schools Division Office Quezon City, National Council for Childrens Television (NCTT), Ayala Malls, Quezon City Foundation of Parents and Teachers Association (QCFPTA, at ng mga international partners tulad ng Audio Visual Industry Association (AVIA), Netflix at Warner Bros.
Nagkaroon din ng talakayan ang ilang sektor ng lipunan tungkol sa parenting at media technology.
Si Board Member Atty. Gabriela “Gaby” Concepcion ang naging tagapangulo sa panel na kinabibilangan nina Dr. Gui, Dr. Arlene Escalante-Eluwa, at dating MTRCB board memebers Teresita ‘ Tessie’ Villarama at Bobby Andrews.
Tampok din sa programa ang opisyal na pagpapakilala sa mga RP Parent Advocates na binubuo ng mga influencer, artista, at mga politiko.
Ang mga Parent Advocates ay sina Ciara Sotto, Konsehal ng Quezon City na si Candy Medina, Konsehal ng Pasig Angelu de Leon, Joy Sotto, Rosselle Taberna, Jennifer Go at Tessa Mauricio – Arriola.
Opisyal ding ipinakilala si Klik, ang mascot ng MTRCB. Sinabayan ito ng pag-awit ng jingle na “Iklik Mo Yan” na inawit ni De Mesa at umani ng standing ovation.
Ang jingle ay sinulat at nilapatan ng musika nna Board Members Richard Reynoso, Neal Del Rosario at De Mesa.
Related Chika:
Awra Briguela nagsinungaling daw sa tatay, pati tuloy si Vice Ganda nadamay
Awra Briguela tinulungan ni Vice Ganda na makalaya, PA ni Ion Perez ang sumundo sa kulungan