Kaya sumablay sa ‘Bituing Walang Ningning’, sey ni Sharon: ‘Sobrang clogged ang ilong ko, my throat is so swollen at papunta na sa infection’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Sharon Cuneta at Alden Richards
KAILANGANG ipahinga ng Megastar na si Sharon Cuneta ang kanyang lalamunan sa loob ng isang linggo upang gumaling agad ang kanyang iniindang karamdaman.
Nagpa-checkup ang singer-actress nitong nagdaang araw sa kanyang doktor dahil biglang sumama ang kanyang pakiramdam habang nasa shooting ng pelikula niyang “A Mother And A Son’s Story“.
Ayon kay Sharon, papunta pa lang siya sa location ng kanilang shooting ay masama na ang kanyang pakiramdam ngunit itinuloy pa rin niya ang kanyang trabaho.
After ng isang eksena niya sa pelikula kung saan kasama niya ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards, nagdesisyon ang production na pauwiin na lang muna siya para hindi na lumala ang kanyang kundisyon.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Shawie ang naging resulta ng mga medical test na ginawa sa kanya.
“Went to my doctor in St. Luke’s BGC yesterday. She inserted a camera into my nose and mouth.
“Sobrang clogged daw ang ilong ko and my throat is so swollen and papunta nang infection kaya ang dami kong gamot ngayon.
“Nasanay na lang daw ako sa feeling ng barado ang ilong at masama ang lagay ng throat kaya di ko na narerealize pag ganon (!). Haaaay…Kasi init/ulan lagi sa shooting namin,” simulang kuwento ng aktres.
Pagpapatuloy pa niya, “Before my guesting sa e.a.t. TVJ, weird na ang throat ko at naapektuhan na at sinabi ko na sa shooting yon isang gabi.
“Kaya pala wala akong boses sa e.a.t. nung nirequest doon na kantahin ko bigla ang part ng ‘Bituing Walang Ningning…’ Dapat pala hiningi ko magbalot ng boses! (lauging and crying emojis),” aniya pa.
Ang payo raw sa kanya ng doktor, “Sinabi ng doc ko kailangan ko daw i-rest ang voice ko ng one week…
“Haaaay naman miss na miss ko na ang set namin at mga kasama ko doon (A Mother And A Son’s Story) mula kay Direk Nuel @directfromncn hanggang kay @jackielou.blanco at siempre ang anak kong mahal na mahal ko at mahal na mahal ako! @aldenrichards02,” pahayag pa ni Sharon.
Ang tinutukoy ni Mega sa kanyang post at ang guesting niya sa pilot airing ng bagong noontime show nina Tito, Vic & Joey sa TV5, ang “E.A.T.” last July 1 kung saan sumablay nga siya sa pagkanta ng “Butuing Walang Ningning.”
Pumiyok at medyo nawala sa tono ang Megastar dahil wala raw kasi siyang practice. Yun pala, may problema na sa kanyang boses that time.