MGA ka-bandera, huwag niyong kalimutang magdala ng kapote at payong kapag lalabas kayo ng inyong mga bahay.
Inanunsyo na kasi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng umulan hanggang mamayang hapon dahil sa Low Pressure Area (LPA) at Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Ayon sa press briefing ng PAGASA ngayong July 13, ang LPA ay huling namataan sa layong 295 kilometers sa may silangan ng Infanta, Quezon.
Paliwanag ni Weather Forecaster Patrick Del Mundo, “Itong nasabing Low Pressure Area ay mababa pa rin ang tsansa na maging isang bagyo within the next 24 hours, ngunit inaasahan natin na posible itong lumapit sa may bahagi ng Aurora, Quezon at sa may Camarines Norte area.”
Baka Bet Mo: El Niño idineklara na sa bansa, magtatagal hanggang 2024 –PAGASA
“Inaasahan sa mga nabanggit na lugar ang malalakas na pag-ulan dala nitong Low Pressure Area,” sey pa niya.
Gaya sa naunang nabanggit, bukod sa LPA ay nagpapaulan din ang Hanging Habagat sa malaking bahagi ng ating bansa.
Kaya naman ang babala ng weather bureau, “Dahil sa pinagsamang epekto nitong Low Pressure Area at Hanging Habagat, inaasahan natin na buong maghapon ay magiging maulap ‘yung kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa bahagi ng Luzon, Visayas at gayundin dito sa may western and northern sections ng Mindanao.”
Panawagan pa ng ahensya, “Pinag-iingat po natin ang mga kababayan diyan sa banta ng mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil na rin sa posibleng malalakas na ulan dala nitong Low Pressure Area at ng Hanging Habagat.”
Dahil sa LPA at Southwest Monsoon, makakaranas na pag-ulan ang Metro Manila, ilang lugar ng Luzon, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at BARMM.
Uulanin din ang Davao Region and SOCCSKSARGEN, ayon sa latest weather bulletin ng PAGASA.
Related Chika: