MARAMING handog na mga palabas at serye ang mundo ng digital entertainment sa kasalukuyan, na tumatalakay sa mga mahalagang paksa at tema.
Lahat ng ito, hinihingi ang atensyon ng mga manonood. Gaano man karami ang mga maaaring panoorin, angat ngayon ang digital series na “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” ng Puregold Channel, na mayroon nang 11 episode, dahil sa magandang naratibo at mahuhusay na mga artista.
Ayon sa mga masugid na tagasubaybay, ang mataas na kalidad ng palabas ang dahilan ng kanilang pag-aabang tuwing Sabado nang gabi.
Narito ang limang dahilan ng nasabing kaabang-abang na kalidad ng “Ang Lalaki sa Likod ng Profile,” na nag-angat sa serye sa kabila ng iba pang mga palabas sa digital na plataporma.
Baka Bet Mo: Yukii Takahashi, Wilbert Ross nagkadebelopan nga ba sa digital series na ‘Ang Lalaki sa Likod ng Profile’?
Ipinagmamalaki ng “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” ang kahanga-hanga nitong cinematography, na maaaring panapat sa mga drama sa telebisyon.
Magaganda ang mga kuha, at pinag-isipan ang bawat frame na magtatampok sa kuwento ng pag-iibigan nina Bryce (Wilbert Ross) at Angge (Yukii Takahashi).
Binibigyang-atensyon ng serye ang lahat ng mga detalye, partikular na ang mga eksena sa birtwal na mundo, kung saan unang nagkakilala sina Bryce at Angge. Dahil dito, naging patok ang palabas sa mga netizen.
Isa pa sa mga lakas ng “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” ang script nito, na nagpapakita ng isang naratibo na may awtentisidad at mga tauhang buong-buo. Itinatampok ng palabas ang isang plot na madaling nakauugnay ang mga manonood.
Mula sa kuwelang pagkakaibigan nina Bryce, Genski (Kat Galang), at Ketch (Migs Almendras), hanggang sa komplikado ngunit mapagmahal na dinamiko ng pamilyang Pilipino na bakas sa nanay ni Bryce na si Bessie (Marissa Sanchez) at kuya ni Angge na si Cyrus (TJ Valderrama), tunay na natural ang atake ng script, at epektibo nitong naipararamdam ang emosyon at naitutulak ang takbo ng kuwento.
Matapang din na natatalakay ng “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” ang mahahalaga at kontemporaneong mga isyu, gaya ng modern dating, ang tagumpay at kabiguan ng mga relasyon, ang online na mundo, at ang mga paniniwala at pagpapahalaga ng mga Pilipino, kaya naman marami ang nakauunawa ng pinagdadaanan ng mga tauhan mula sa mga manonood.
Puno rin ng talentadong mga artista ang palabas. Bukod sa cinematography at script ng Ang Lalaki sa Likod ng Profile, ang cast nito ay nakapag-ambag din sa tagumpay, dahil binubuhay nila ang mga tauhan sa pamamagitan ng kanilang pag-arte.
Maging ang mga karibal na sina Chili Anne (Moi Marcampo) at Jerry (Anjo Resurreccion) ay minamahal ng mga manonood dahil sa kanilang mahusay na pagganap. Nag-iwan din ng marka si Yaya Aimee (Star Orjaliza) dahil sa pagiging mahusay na aktres.
“Full package” na matatawag ang “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” bilang serye. Sa obserbasyon ng mga netizen, ang bawat aspekto ng palabas–mula kuwento, dayalogo, at mga kuha–ay masinsin ang pagkakagawa.
Mayroon pang sariling OST ang serye, at ang unang kantang “Sasabihin Ko Na” ay isinulat at kinanta ng bida ng palabas na si Wilbert Ross.
Bakas na bakas ang epekto ng palabas sa pananabik ng mga manonood na mababasa sa comments ng bawat episode.
Comment ni @bocatar8598, “May dalawang araw ka na lang sabi ni Tulfo, inip na inip na talaga kami sa part 8. Idol, ilabas mo na, baka naman, para hindi na kita ipa-Tulfo.”
Sabi naman si @user-eo8tb9rw6k sa kuwento at mga artista ng palabas, “Ang cute ng story, nakakatawa at nakakaiyak. ‘Yung action at galaw ng mga bida? Totoong-totoo.”
Sang-ayon dito si @jannicolilegarte5278, “Grabe, ang tagal (ng next episode). Dapat gawin nang araw-araw, at pahabain ang kuwento. Hindi ko akalain na magaling umarte si Yukii, hahaha! My crushie.”
Sabi naman ni, @jakeluxero6569, “‘Di nakakasawa panoorin itong story nina Angge at Bryce, kahit ulit-ulitin mong panoorin, ‘di ka talaga magsasawa.”
Ayon sa iba pang fans, sobrang ganda ng kalidad ng “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” kaya dapat na itong itampok sa telebisyon.
“Sana maipalabas na ‘to sa TV, ang ganda ng kwento,” pagbabahagi ni @thelmamejia9417.
Sabi ni @geraldevangelista348, “Another great episode! Dapat dito nilalagay na sa TV series talaga. Abangers here!”
Ang iba pang manonood, ibinahagi kung paano nakuha ng serye ang kanilang emosyon at naipaalala ang kanilang mga danas.
Kuwento ni @ricoyon307, “Nakaka-excite naman. ‘Yung kuya kong astigin pinakita ko lang sa kaniya mga naunang episode, parang no feelings lang, pero kahapon nahuli ko siya sa kuwarto pagbukas ko, nanonood nito. Ayun, nahuli ko na kilig na kilig. Hahahaha!”
Nagpasalamat naman si @andreiportillo2870 sa impluwensiya ng palabas sa kaniyang pagdedesisyon, “Salamat Puregold, I think I know what to say when the time comes na mag-confess na ako sa kaniya.”
Panghuli, binanggit ni @JunildaCanilang-yl9oh na dahil sa palabas, sabay-sabay niyang nadama ang iba-ibang mga pakiramdam. Yung tatawa ka tapos kikiligin tapos biglang malulungkot ka kasi parang nahuli na si Bryce na umamin kay Angge kasi kasama na niya si Jerry, huhuhu. Laban Bryce! ‘Wag kang magpapatalo sa ex ni Angge!”
Sa susunod na episode, makikita nating nahihirapan pa rin si Bryce sa nararamdaman niya para kay Angge, lalo na ngayong nasa eksena na si Jerry.
Si Angge naman, litong-lito sa nararamdaman niya sa isang nakaraang pag-ibig at sa potensyal na mas magandang pagmamahal.
Mapagtanto na kaya ng dalawa na sila talaga ang para sa isa’t isa, o hahayaan nilang mapangunahan sila ng takot at pangamba?
Sumali na sa fandom at tunghayan ang pinaka-inaabangang digital na seryeng “Ang Lalaki sa Likod ng Profile”. Abangan ang episode 12 sa Hulyo 8, 7 p.m., sa opisyal na YouTube Channel ng Puregold.
Related Chika: