Super fan ni Elisse Joson na nagbabasura, naglalabada at lumalafang ng ‘pagpag’ noon mayaman na ngayon
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Amelyn Medina at Elisse Joson
NAKAKA-INSPIRE ang kuwento ni Amelyn Zafra Medina na dating nagbabasura at naglalabada pero ngayon ay isa nang matagumpay na negosyante.
Tubong-Nueva Ecija si Amelyn na umasenso nang bonggang-bongga nang dahil sa kilay na siyang naging daan para maabot niya ang kanyang mga pangarap para sa sarili at sa kanyang pamilya.
Kuwento ni Amelyn, talagang dumaan din siya sa napakaraming pagsubok sa buhay dahil sa sobrang kahirapan ngunit ginawa niya ang lahat para makaahon at magkaroon ng magandang kinabukasan.
Si Amelyn ay lumaki sa hirap ng buhay. Aniya, “Mahirap ang buhay noon lalo na nung bata pa ko, naranasan ko mamulot ng basura, maglabada, maglinis ng bahay ng iba para may pambaon sa school.
“Mahirap lang ang pamilya namin swerte na yung makakain kami ng complete meals sa loob ng isang araw. Minsan nga swerte na yung makakain kami ng dalawang beses sa isang araw.
“Minsan dahil sa matinding gutom, naranasan din namin ang pagpag, yung galing sa basurahan ng mga fastfood, yung pagkain na tira ng ibang tao tapos huhugasan namin at iluluto uli,” pagbabalik-tanaw ni Amelyn na isa nang certified Philmaster International Instructor at nagmamay-ari na ng Beautique Aesthetic Training Center.
Patuloy pa niyang pag-alala sa buhay niya noon, “Si nanay ko may sakit kasi palaging hinihimatay kahit ganun naglalabada pa din sya at namamasukan sa iba na katulong. Si tatay ko naman nakiki amuhan din sa buy and sell sa mga sasakyan na luma mga surplus.
“And ayun maaga kami naulila din mga kapatid ko at namatay ang nanay ko sa atake sa puso ganu’n din ang tatay ko.
Nagkaroon ako ng sarili family ko pero namatay din si hubby ko so ayun na nga ako ang bread winner of the family,” kuwento pa ng lady boss.
Nasubukan din niyang mag-ukay-ukay, promodizer sa malls at naging staff din sa isang beauty clinic, “Nangarap akong magkaroon ng sariling negosyo habang ako eh, nagtatrabaho noon, nu’ng una tagalinis ako sa clinic, nails muna and iba pa. Nag-try ako mag-enroll sa KEC (beauty academy) sa mentor ko, salamat po at kay Mam Denzel.
“Nagsikap ako mag-ipon para sa pagpapatayo ng negosyo, umutang po ako mg pang-enroll sa pagkikilay kasi passion ko na siya, mahilig talaga akong mag-drawing ng mga bagay na nakikita ko,” aniya pa.
Taong 2019, nag-start na siyang mag-aral ng microblading at dahil sa pagsisikap nakapag-enroll ulit siya sa ilan pang academy at nakarating din sa ibang bansa nang dahil sa kilay.
Naikuwento rin niya ang pagiging fan ng Kapamilya actress na si Elisse Joson na nagsilbi ring inspirasyon upang magsumikap sa buhay.
“Dati ko pa talaga gustung-gusto ko si Ellise Joson, nasubaybayan at nagustuhan ko siya sa PBB. Ang ganda-ganda niya at mukhang mabait talaga.
“At kahit mommy na siya grabe hindi nagbabago ang itsura niya, parang mas lalo pa nga siyang gumanda ngayon.
“Sobrang saya ko at lalo pa akong humanga sa kanya dahil pareho na kaming nasa line ng beauty business — ang pagkikilay kung saan pareho kami ng training center na pinasukan,” chika pa niya.
Ang tinutukoy niya ay ang PhilbeautiQ kung saan isa na siyang Philmaster International instructor.
Ilan sa mga pag-aaring negosyo ngayon ni Amelyn ay ang ilang branches ng Bareface Beautique wellness and beauty clinic, Beautique Aesthetic Training Center and Architecture Studio at
Ibarra Burayag Architecture Studio.
Narito naman ang message niya sa lahat ng single mom na tulad niya, “Huwag mawalan ng pag-asa kung mahirap man ang sitwasyon natin.
“Samahan mo ng dasal at tiwala kay Lord na lahat ay aayon sa maganda niyang plano para sa atin. Sipagan natin at samahan ng diskarte sa buhay makakamit natin ang lahat ng pangarap natin katulad ko,” aniya pa.