SINAGOT na ng Unkabogable Star na si Vice Ganda ang lahat ng katanungan patungkol sa pagkakadamay ng “It’s Showtime” sa sigalot sa pagitan ng TVJ at ng TAPE Inc.
Sa kanyang YouTube channel ay isa-isang idinetalye ng komedyante ang mga naging epekto sa kanila at sa kanilang programa ng naganap na hindi pagkakaunawaan ng producer at hosts ng “Eat Bulaga”.
Hindi nga raw inaakala ni Vice na ang “It’s Showtime” pala ang higit na maaapektuhan sa pagitan ng hindi pagkakasundo ng dalawang partido.
“Alam mo yung nararamdaman na parang tayo yung naging casualty ng problema nung TVJ at Eat Bulaga. Sabi ko, ‘Parang tayo yung tinamaan nung mga kanyon na binala nila.’ Yun ang unang naramdaman namin.
“Kasi nung una, okay naman sila dun, okay din naman kami. So, parang okay na kami dito. Kasi kung hindi naman sila nag-away, e, di buo pa rin sana sila. May kontrata pa rin naman sila [TAPE] sa GMA hanggang next year, di ba? So, buo pa rin sana sila,” sey ni Vice.
At dahil nga hindi nagkasundo ang mga ito ay nagresulta sa pagbibitiw ng TVJ at ng iba pang mga hosts ng “Eat Bulaga” sa TAPE Inc.
“Pero dahil hindi sila nagkasundo, nagkahiwalay. So, siyempre yung mga performers, normal lang na gagawa sila ng paraan na makahanap ng pagpupuwestuhan ng programa nila. At yung mga naging desisyon nila, malaking-malaki ang naging epekto sa amin na nananahimik,” saad pa ni Vice.
Ngunit hindi naman siya galit at hindi rin naman nila sinisisi ang TVJ at ang iba pang legit dabarkads dahil lahat sila ay gusto lang rin naman nilang magpasaya ng manonood.
Baka Bet Mo: Vice Ganda walang sama ng loob sa TVJ, tuloy ang pagpapasaya sa madlang pipol
“hindi rin naman namin puwede sisihin ang TVJ kasi lahat naman kami gusto lang magtrabaho.
“Lahat naman kami may ipinaglalabang bahay. Lahat kami may ipinaglalabang programa. Lahat kami may ipinaglalabang audience na gustong pagsilbihan,” pagbabahagi ni Vice.
Matatandaang base sa official statement na inilabas ng ABS-CBN noon ay nakatanggap sila ng offer mula sa TV5 na i-move ang kanilang timeslot mula sa 12nn papuntang 4:30pm dahil ang magiging bagong programa ng TVJ ang mapupunta sa kanilang noontime slot.
Ngunit hindi pumayag sina Vice at ang ABS-CBN management at hindi na ni-renew ang kanilang noontime agreement sa TV5 at magtatapos na ito sa Biyernes, June 30.
Nilinaw nanan ng Unkabogable Star na wala siyang nararamdamang sama ng loob laban sa TV5.
“Wala akong galit sa TV5. Nalungkot ako sa naging desisyon ng TV5 kasi hindi pabor sa amin yun, e. Siyempre sa buhay naman, mas masaya tayo kung ang mga nangyayari ay pabor sa atin. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon magiging pabor sa yo ang oras, ang pangyayari, ang mga desisyon,” sabi pa ni Vice.
Dagdag pa niya, “May mga pagkakataong may mapapaborang iba. Masakit man, malungkot man sa damdamin mo, pero kailangan mong tanggapin yun at kailangan mong irespeto yun.”
Inamin rin ni Vice na malaki ang tulong ng Kapatid network sa kanila dahil naging daan rin ito na lumabas sila sa free-to-air channel.
“At nasaktan man kami, nasaktan man ako, hindi puwedeng mawala sa amin yung pasasalamat sa TV5.
“Minsan sa buhay namin, tinulungan nila kami. Minsan sa buhay namin, nakaramdam kami ng pagdiriwang at kasiyahan dahil sa tulong nila. And that will be one great reason to be grateful to them. Maraming-maraming salamat sa TV5.”
Related Chika:
Vhong Navarro aminadong hindi mapapantantayan sina Tito, Vic & Joey: ‘Walang makakatumbas sa TVJ, idol ‘yan, eh!’
Vice Ganda super happy sa kanyang kaarawan, binati ni Joey de Leon at iba pang ‘Eat Bulaga’ hosts