Andrea del Rosario natakot nang ibigay sa kanya ang karakter ni Olga Arguelles sa ‘Dirty Linen’, naloka sa reaksyon ng LGBTQ community
By: Armin Adina
- 2 years ago
Andrea del Rosario at Janice de Belen
NANG tinanggap ng aktres na si Andrea Del Rosario ang papel bilang si Atty. Olga Arguelles sa patok na ABS-CBN crime drama na “Dirty Linen,” hindi niya agad inisip kung mamamayagpag ito.
Nalaman lang niyang gumagawa ng ingay ang serye nang biglang nabuhay ang social media account niya.
“Iyong nananahimik kong Instagram naging busy,” sinabi niya sa Inquirer.net nang makapanayam siya sa “Daydreaming in Spring 2: Flowers in Bloom” show ng Mrs. Universe Philippines Foundation sa Rizal Park Hotel sa Maynila noong Hunyo 16.
“Hindi ko alam (na papatok). And siguro part of me didn’t want to think about it. Kapag pumapasok ka kasi sa mga ganiyan, basta tanggalin mo iyong mga gano’n, tanggalin mo iyong mga what ifs. Just do your job,” dagdag ni Del Rosario, na hinirang bilang Queen Tourism Ambassadress sa event.
Sinabi ng aktres na nalaman niyang nagkakaroon ng impact ang papel niya sa “Dirty Linen” sa lipunan, lalo na sa LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual, and others) community, nang nakatatanggap na siya ng mga mensahe mula sa mga taga-rainbow community sa Instagram.
Sa palabas, karelasyon ng karakter niya si Leona (Janice De Belen), maybahay ng ama ng pamilya Fiero na si Carlos (John Arcilla).
“They said that they can relate to me, that they can relate to the character, so many things. And nakakataba naman ng puso and, actually, it’s quite a big responsibility on my part because some of them were reaching out because they’re going through certain things in life, as young as 14 years old. Nakaka-overwhelm,” ibinahagi niya.
Sinabi niyang tinanggap niya ang papel dahil sa bigating mga artistang kasama sa palabas. Bago nito, ang 2021 religious drama na “Huwag Kang Mangamba” ang huli niyang proyekto sa ABS-CBN, at tinanggap niya ang pagkakataong muling makapagtrabaho sa kumpanya, lalo na at isang malaking proyekto ang “Dirty Linen.”
Sinabi ni Del Rosario na ipinaalam na sa kanya na magkakaroon ng relasyon ang tauhang inaalok sa kanya sa papel na ginagampanan ni De Belen.
Sinabi niyang natakot siya sa simula dahil nakaka-intimidate umano “just to be in the same screen with these people.”
Nagkaroon din siya ng pag-aatubili dahil sa pagiging Christian. Ngunit sinabi niyang tinalakay ng mga producer sa kanya nang maigi ang papel, at kung paano nag-evolve si Arguelles sa kuwento. “I hope I was able to give justice to the role, because I’m with all those amazing actors,” aniya.
Maliban kay De Belen, isa rin si Arcilla sa mga nakasabayan ni Del Rosario sa matitinding eksena. “They wanted somebody strong.
“They wanted somebody with a strong personality, who looks strong, because of her job as a lawyer, and somebody who would have to go head-on with Carlos Fiero. I don’t know if I had that in the scene. I guess they saw that in me,” ani Del Rosario.
Sa event naman, nakasabay ni Del Rosario sa entablado ang isa pang artista, ang komedyanang si Pokwang na kinoronahan bilang Queen Celebrity Icon Ambassadress. Kinilala rin ang mga dating reyna ng Binibining Pilipinas pageant.
Hinirang si Jean Saburit bilang Classic Queen Ambassadress, itinanghal si Samantha Bernardo bilang Queen Health Advocate Ambassadress, at isa si Gabrielle Basiano sa “Philippines’ Most Exceptional Women.”