Veteran actress na si Deborah Sun hindi na nabibigyan ng proyekto sa showbiz dahil sa dating bisyo: ‘Napakahirap maging mahirap’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Deborah Sun
“NABUBUHAY ako sa tulong ng tao,” ito ang emosyonal na sagot ng beteranang aktres na si Deborah Sun sa panayam sa kanya ni Snooky Serna na mapapanood sa YouTube channel nito.
Garalgal uling sabi ni Deborah, “Sa tulong ni tito Philip (Salvador), si Boy Abunda. Siguro hindi na ako masyadong umaasa (sa iba) kasi people get fed up, siguro napagod sila sa kakatulong which is hindi ko rin ginusto ‘tong buhay ko, eh.
“Like dito sa Philippines ang hirap (humanap ng work) kasi kahit janitor kailangan second year college ka, ang hirap. Kaya gusto kong makabalik sa States kung makakabalik lang.
“Meron akong mga tine-text na nanghihingi ako ng tulong about trabaho kaso iba ang nasa utak nila, nakasara na ‘hmmmm, nagda-drugs pa ‘yan’, so, iba ang nakatatak which is nirerespeto ko what ever nasa utak nila desisyon nila kaya lang sana tingnan muna nila, subukan muna nila,” paliwanag ng aktres.
Kaya ang panawagan ni Snooky, “Bigyan po natin ng pangalawang pagkakataon po ang isang Deborah Sun. Guys sana naman I hope we’ll be kinder to one another. Sana we will learn to forgive and forget.”
Singit ni Deborah, “Isa lang po ang sasabihin ko, mahirap po ang maging mahirap.”
“You are survivor and I’m proud to be your friend and you an inspiration to me Ate Debs. Kung may isang tao po na matatag, malakas ang faith in my humble opinion.
“At talaga pong mabuting ina na hindi pinabayaan ang kanyang mga anak at gagawin ang lahat para sa kanyang anak, ikaw ‘yun ate Debs,” paglalarawan ni Kooky sa kaibigan.
Bukod kina Philip at Kuya Boy ay labis ding nagpapasalamat si Deborah kina Konsehala Aiko Melendez at Ara Mina.
“Si Ara Mina hanggang ngayon nakatira ako sa condominium niya, sa isang unit niya for seven years nang libre. Talagang siya mismo ang nag-offer sa akin niyan. Pinapadalhan pa ako ng twice o thrice (groceries), meron akong tatlong box niyan.
“Saka bigas, ‘yung isang box mga toiletries, ‘yung isa mga noodles, ‘yung isa mga de lata, tapos may mga fresh pa (tulad) chicken.
“Tatawag ‘yan sasabihin niya, ‘Tita nandito ako sa SM anong pangalan mo sa ID mo’ padadalhan (cash) pa niya ako. Nakakatuwa,” pahayag ng hindi na aktibong aktres.
Tungkol naman kay Aiko, “Malaking tulong ang ginagawa ni Aiko para sa kapatid niya sa anak ko kay Jimi Melendez. Talagang provided niya lahat anything pagdating sa medikal, pang-doktor, pang-love (cash) niya.
“Saka pag Pasko at Bagong Taon magte-text (kapatid ni Aiko sa ina) ‘tita papadalhan ka ni ate ng pang-Pasko at Bagong Taon sa birthday.’ I’m very thankful din kay Aiko dahil hindi niya pinababayaan ang kapatid niya.
“It’s a blessing, sabi nga ng ibang friends ko kahit ganito na wala akong project, God is really good kasi kahit paano nakakakain ako ng masarap. Nawala na rin kasi ang pride ko may mga anak ako, eh,” aniya.
Apat ang anak ni Deborah at mahal na mahal niya ang mga ito, “Ako talaga nawala ang pride ko, nawala ang kahihiyan ko sa mga tao kahit sabihin pang mamalimos ako para sa mga anak ko gagawin ko ang lahat. ‘Wag nilang kantiin ang mga anak ko dahil ako ang makakalaban nila kahit makulong ako ulit. Mahal na mahal ko ang mga anak ko.”
Samantala, hindi pa rin daw isinasara ni Deborah ang pintuan niya sa tawag ng pag-ibig, pero sa kasalukuyan ay mas enjoy siya sa piling ng mga anak. Sa loob ng 21 years ay single siya at ang bunso niya ay 22 years old na.
“I spend my time sa mga anak ko lalo pag Monday and Tuesday, me and Jam nanonood kami ng sine. Sa Quezon City kasi PWD si Jam, senior ako libre kami, binabayad namin 25 cents each. Ha-hahahaha!
“Sayang, eh. So, dalawang movie each day, e, dalawang araw, so, dalawang movie ulit (Martes),” kuwento pa ni Deborah.