Herlene Budol ‘patay-gutom’ pa rin sa kaalaman para maging magaling na aktres at matagumpay na beauty queen
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Herlene Budol
MALUHA-LUHANG nagpasalamat si Herlene Budol sa GMA 7 dahil ipinagkatiwala sa kanya ang napakabonggang serye na mapapanood na bukas, ang “Magandang Dilag.”
Hindi napigilan ng Kapuso comedienne at beauty queen na maging emosyonal nang ibahagi ang kanyang nararamdaman na finally ay nabigyan na siya na magbida sa sarili niyang teleserye na magiging bahagi ng GMA Afternoon Prime.
Aminado ang dalaga na nahirapan talaga siya sa madadramang eksena na ginawa niya sa “Magandang Dilag” pero ginawa naman daw niya ang lahat para mabigyan ng hustisya ang lead role na ipinagkatiwala sa kanya.
Sa naganap na mediacon para sa “Magandang Dilag” nitong June 17, tinanong kay Herlene kung kering-keri na niya ang pagiging dramatic actress.
“Kayo ho ang mag-judge sa akin kung kaya ko po. Kasi, parang ayoko namang buhatin ang sarili kong bangko.
“Basta sana po, matuwa po kayo sa mga eksena ko na drama. Na akala ko, hindi ko rin magagawa kasi, bilang komedyante nga ho, hindi ko rin naisip na komedyante pala ako, na nakakatawa pala ako.
“Lalo pa nung drama naman ho. Iyakin lang ho ako, pero hindi ko naisip na magiging dramatic actress,” tugon ng dalaga.
Pag-amin pa niya, “Yun nga ho, di ba, naikuwento ko nga dati na hirap ho ako sa script talaga. Di ba, noong college nga ho ako, hindi ako pumapasok kapag may recitation. Kasi nga, hindi ko kabisado.
“E, ngayon nga, obligasyon ko talaga to, kaya ginagawa ko yung best ko. Ang unang ginawa ko, lahat ng lines, tapos isusulat ko one by one. Pati po mga lines po ng mga kaeksena ko, isinusulat ko po.
“Ewan ko bakit ganu’n po ako magkabisado. Hindi ko po siya kayang basahin lang siya nang ganyan pa. Siguro po, Level 2 pa lang ang brain cells ko. So, we’re going to Level 10 soon,” chika pa ni Herlene.
“Yun po ang adjustment ko, isusulat. Matutulog, tapos kakabisaduhin. Napapanaginipan ko na nga ho,” dagdag pa ng beauty queen na kinakari na rin ngayon ang paghahanda para sa Miss Grand Philippines 2023, na gaganapin sa July 13.
Aniya, hinahati niya ang kanyang oras upang magampanan ang lahat ng kanyang commitments pati na ang pagsabak sa training para naman sa pangarap niyang titulo at korona.
“Sa tulong po ng mga taong nakapaligid sa akin, kagaya po ng manager ko, si Sir Wilbert Tolentino, at mga team ko po. At yung mga tao pong nakapaligid sa akin. Hindi ko po kayang mag-isa.
“Kung wala po siguro sila, wala po siguro ako kung nasaan ako ngayon. Kaya, di ba, nga ho, walang sino man ang nabubuhay para sa sarili lamang. Kaya salamat sa mga taong nasa likod ko,” aniya pa.
Nang tanungin kung ano ba ang mas matimbang sa kanya ngayon, ang makilala bilang beauty queen o maging magaling na aktres?
“Sana po dalawa. Kung bibigyan naman po ako ng pagkakataon na maging beauty queen pa. As Binibining Pilipinas first runner-up, as a beauty queen na po ako nu’n. Pero as an actress, sana magtuluy-tuloy po,” sabi ni Herlene.
Dagdag pa niya, “Dalawa ho talaga, naging passion ko ho, na hindi ko akalain na magugustuhan ko siya.”
Aminado naman si Herlene na marami pa siyang dapat matutunan at mapatunayan bilang aktres at beauty queen kaya kung ire-rate daw niya ang sarili sa mga nasabing larangan, “Siguro nasa five pa lang ako kasi patay-gutom pa rin ako na mag-learn ba ng mga knowledge.
“Kasi, still learning pa rin ako every day. Kahit alam ko ang isang bagay, pag-aaralan ko pa po,” chika ng Kapuso star.
Naluha muli ang dalaga nang mapag-usapan ang kanyang yumaong lola, “Sayang, hindi na niya naabutan to.
“Nay, I love you so much. Isa ito sa mga regalo ko sa yo. Sana nakikita mo ako ngayon. Sobrang happy ko ho,” mensahe niya sa pumanaw na lola.
Samantala, mapapanood na bukas, June 26, ang “Magandang Dilag” sa GMA kung saan makakasama niya bilang leading man sina Benjamin Alves at Rob Gomez with Sandy Andolong, Chanda Romero, Maxine Medina, Biana Manalo, Adrian Alandy at marami pang iba.