Vhong Navarro aminadong hindi mapapantantayan sina Tito, Vic & Joey: ‘Walang makakatumbas sa TVJ, idol ‘yan, eh!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ang mga host ng ‘It’s Showtime’
KANYA-KANYANG reaksyon ang mga hosts ng “It’s Showtime” sa paglipat ng tatlong movie at TV icon na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa Kapatid Network at sa paglayas nila sa GMA 7.
Kasabay nga nito ay ang magandang balita para sa mga tagasubaybay ng “It’s Showtime” na mapapanood na rin ang Kapamilya noontime program sa GTV Channel na pag-aari ng Kapuso Network.
Kaya naman looking forward na ang buong pamilya ng “Showtime” sa unang araw ng kanilang pagiging Kapuso sa darating na July 1.
Ayon sa “It’s Showtime” hosts na sina Ogie Alcasid at Vhong Navarro, nakagugulat man ang mga pangyayari, abot-langit pa rin ang pasasalamat nila sa pagtanggap sa kanila ng GTV matapos mag-expire ang kontrata nila sa TV5.
“Siyempre masaya dahil meron ulit nagpatuloy sa amin sa bagong tahanan para ipagpatuloy natin kung ano ‘yung nasimulan natin 13 years ago,” pahayag ni Vhong sa panayam ng ABS-CBN.
Sabi naman ni Ogie, “Ang bottomline diyan, ang madlang people ang dapat nating pasayahin lagi.
“So ‘yung mga panahon na nag-aalinlangan tayo, di natin alam kung saan tayo pupunta, nakakatuwa na meron na kaming bagong bahay,” aniya pa.
Sabi pa ng dalawang TV host-comedian, noong nagdaang Lunes, June 20, lang din nila nalaman na mapapanood na rin sila sa sister station ng GMA 7.
Sey ni Vhong, kinabahan daw talaga siya sa nasabing pagbabago, “Siyempre noong miniting kami at sinabi sa amin na, ‘May bago kayong tahanan,’ nanumbalik ‘yung saya.”
Aniya pa, “Nagpapasalamat kami sa TV5, sa Kapatid, kasi sila ‘yung unang nagpatuloy sa amin sa kanilang tahanan. Talagang ibinigay din namin ‘yung best namin para ma-entertain at mapasaya ang mga madlang people.”
Mensahe naman ni Ogie, “Sa lahat ng mga bossing ng TV5, sa mga panahon na wala kaming tahanan, kayo po ang kumumkop sa amin. Kaya maraming, maraming salamat sa pagkakataon.”
Nagbigay din ng kanyang saloobin ang isa pang original host ng “Showtime” na si Karylle tungkol sa naramdaman niya nang malamang magiging Kapuso na rin sila simula sa July 1.
“Siguro, mindblown that this is happening. But it’s also a big dream of mine na para lumawak ang isipan ng mga tao na the more chance for people to watch a certain show or a certain program. And maybe it will be better for the entire industry as a whole.
“I’m so happy to see that this is how life is moving because it just means more work for the industry,” dagdag ni Karylle.
Ito naman ang message ng TV host-actress sa lahat ng mga host ng tatlong noontime show sa bansa, “Thank you for making sure that everyone is happy, for doing the best you can.
“Eventually, di ba, who knows what will happen? But here we are, trying to make people happy kung saan mang sulok kami galing sa mundo,” sabi pa ni Karylle.
Samantala, nagbigay din ng kanilang reaksyon sina Ogie at Vhong sa patuloy na pagkukumpara sa mga host ng “It’s Showtime” kina Tito, Vic & Joey.
“Una sa lahat, walang makakatumbas sa TVJ. Idol ‘yan eh. Isa sila sa mga nagsimula ng noontime show at sila ang pinakamatagal. Kumbaga, wala diyang papalit, susunod na lang,” sey ni Vhong.
Para naman kay Ogie, “Pero ang ‘Showtime’ kasi meron din kaming ibang style. Kung ang TVJ may style, meron ding style ang ‘Showtime.’
“Kumbaga sa pagkain, iba ‘yung adobo at iba rin ‘yung ibang putahe. Magkaiba eh. Mahirap ikumpara. At sang-ayon din ako kay pareng Vhong na OGs talaga natin ang TVJ. Sinasaluduhan natin ‘yan, hinahangaan natin,” mariin pang pahayag ng mister ni Regine Velasquez.