Mutya ng Pilipinas 2023 coronation night sa Disyembre na gagawin, sa Hulyo magsisimula ang application

Mutya ng Pilipinas 2023 coronation night sa Disyembre na gagawin, sa Hulyo magsisimula ang application

Kasama ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino (ikatlo mula kaliwa) ang mga reyna niyang sina (mula kaliwa) Marcelyn Bautista, Iona Gibbs, Shannon Robinson, at Megan Cambell, at kandidatang si Juvel Bea./ARMIN P. ADINA

NAKAKADALAWANG panalo na ang Mutya ng Pilipinas pageant. Nagwagi sa kani-kanilang international contest ang unang dalawang reynang isinabak nito, at mga unang panalo ng bansa ang naitala nila. Umarangkada nga ito makaraang putulin ang dalawang-taong pahinga bunsod ng COVID-19 pandemic at nagtanghal ng coronation show noong Disyembre ng nagdaang taon. Ngayong 2023, muli na namang idaraos sa huling buwan ng taon ang final ceremony.

Kung Disyembre isinagawa ang ika-52 edisyon ng Mutya ng Pilipinas pageant, Disyembre rin itatanghal ang contest para sa 2023, at doon din sa FilOil EcoOil Centre in San Juan, sinabi sa Inquirer ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino sa isang press conference sa CWC Interiors sa Taguig City noong Hunyo 21.

Naka-iskedyul na sa Dis. 10 ang 2023 Mutya ng Pilipinas coronation night, kung saan hihirangin ang mga magiging kinatawan ng bansa para sa Miss Intercontinental, Miss Tourism International, at World Top Model contests. Mapapabilang na rin sa mga opisyal na titulo ang mga nadagdag na prangkisa, para sa Miss Environment International at Miss Chinese World pageants.

Si reigning Mutya ng Pilipinas-Luzon Shannon Robinson ang naging unang Pilipinang nagwagi sa Miss Environment International pageant sa India ngayong buwang ito lang, habang naitala naman ni 2018 semifinalist Annie Uson ang unang panalo ng Pilipinas sa Miss Chinese World contest sa Malaysia noong isang buwan.

“We’re working on two more titles. You see, Fred (Yuson, Mutya ng Pilipinas chairman) wants all our girls to compete abroad. But we cannot just get any international pageant,” ibinahagi ni Quirino sa Inquirer. Walang global assignment si Robinson nang makuha ang titulo niyang katumbas ng pagiging first runner-up.

Sa ngayon hinahanapan pa ng masasalihan ang mga kapwa runner-up ni Robinson na sina Mutya ng Pilipinas-Visayas Megan Campbell at Mutya ng Pilipinas-Mindanao Marcelyn Bautista, ani Quirino. Sinabi naman ni Yuson na “five-for-five” ang inaasinta ng organisasyon sa ngayon, kung saan mag-uuwi rin ng international titles ang mga orihinal na main titleholders ng pambansang patimpalak, kasunod ng pagkakapanalo nina Robinson at Uson sa ibayong-dagat.

Baka Bet Mo:  Shannon Robinson waging Miss Environment International sa India

Kinoronahang Mutya ng Pilipinas si Iona Gibbs, at kalaunan ay tinalaga bilang kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Intercontinental pageant. Sina Mutya ng Pilipinas-Tourism International Jeanette Reyes at Mutya ng Pilipinas-World Top Model Arianna Kyla Padrid ang dalawa pang nakatakdang bumandera abroad. Sa huling kwarter ng taon mangyayari ang kani-kanilang kumpetisyon.

Sinabi ni Gibbs na “thrilled” siya sa pagwawagi nina Robinson at Uson. “I just know that Mutya has prepared us so well already for all the competitions we’ll be joining. So it honestly just added motivation to do my very best in the upcoming Miss Intercontinental pageant,” sinabi niya sa Inquirer.

At dahil nga tatanggap na ng mga aplikante para sa 2023 Mutya sa Hulyo, sinabi ni Gibbs na umaasa siyang makahahanap ng “girls who are very similar to me and my batch, girls who are very bright, very beautiful inside and out, and always supporting each other.”

Samantala, inalay naman ni Robinson ang international title niya sa bansa at sa mga kababayan, at sinabing marami siyang natuklasan sa sarili dahil sa paglalakbay niya tungo sa korona. “It was a realization of faith and self worth. I prayed a lot, I prayed more than I’ve ever prayed in my entire life. I prayed for guidance, and security, being calm. It has really opened my eyes to the power of prayer,” ibinahagi niya.

Isa ang Mutya ng Pilipinas pageant sa pinakamatagal nang pambansang kumpetisyon sa Pilipinas, na may mahabang talaan ng international titleholders mula nang ilunsad noong 1968. At dahil sa Mutya, Pilipinas ang pinakamatagumpay na bansa sa Miss Asia Pacific International at Miss Tourism International pageants.

Related Chika:
Shannon Robinson kalmadong sasabak sa Miss Environment International pageant

Klyza Castro maipapasa na ang korona makalipas ang 3 taon

Read more...