Pauline Amelinckx pasok sa ‘Suprachat’ Top 10 ng 2023 Miss Supranational pageant

Pauline Amelinckx pasok sa 'Suprachat' Top 10 ng 2023 Miss Supranational pageant

PHOTO: Instagram/@paulineamelinckx

WAGI si Pauline Amelinckx sa grupo niya para sa “Suprachat” challenge ng 2023 Miss Supranational pageant!

Bukod diyan, pasok din siya sa Top 10 ng online challenge ng pandaigdigang patimpalak.

Inilabas ang resulta sa social media halos hatinggabi na ng Hunyo 22.

Hinati-hati ng Miss Supranational pageant ang mga kalahok sa sampung pangkat para sa “Suprachat challenge” at tinukoy ang mga nagwagi batay sa online views at mga botong nakalap ng mga kandidata.

Kabilang si Amelinckx sa huling pangkat ng mga kandidata, na kinabibilangan din ng mga kinatawan mula Japan, Korea, Indonesia, Hong Kong, Zimbabwe, Ukraine at Estados Unidos.

Nagwagi naman sa Group 7 ang Filipino-Scottish na si Alexa Grant, kinatawan ng Canada, at makakasama rin sa semifinals ng online contest.

Umusad din sa Top 10 ng Suprachat kasama nina Amelinckx at Grant sina Sancler Frantz ng Brazil mula sa Group 1, Ioana-Izabela Hotaran ng Romania mula sa Group 2, Pragnya Ayyagari ng India mula sa Group 3, Ayanda Thabethe ng South Africa mula sa Group 4, Katherine Burgos ng Nicaragua mula sa Group 5, Merlie Feurizard ng Haiti mula sa Group 6, Valeria Florez ng Peru mula sa Group 8, at Emma Collingridge ng United Kingdom mula sa Group 9.

Hangad ni Amelinckx na maibigay sa Pilipinas ang ikalawa nitong panalo sa Miss Supranational pageant.

Baka Bet Mo: Miss Supranational 2023 Pauline Amelinckx sinupalpal ang mga basher na nagpapanggap na pageant fans, Catriona Gray nag-react

Kung maaalala, sampung taon na ang nakalilipas mula nang hirangin si Mutya Johanna Datul bilang unang Pilipinang reyna noong 2013.

Mula 2014 hanggang 2022, palaging nagkakapuwesto ang kinatawan ng bansa sa Top 25, Top 20, o Top 10.

Nagtapos naman sa ikaapat na puwesto sa patimpalak noong 2012 si Binibining Pilipinas first runner-up Elaine Kay Moll.

Sa sendoff press conference sa Crowne Plaza Manila Galleria sa Quezon City noong Hunyo 22, ibinahagi ni Amelinckx na isa-isang ni-record ang Suprachat videos ng mga kandidata.

“I haven’t actually been able to speak with (my fellow delegates) virtually. But I have been able to somehow reach out to other girls,” aniya.

Tiniyak din niya sa mga Pilipino na walang humpay ang paghahanda niya mula nang makoronahan bilang Miss Supranational Philippines makaraang magtapos sa Top 3 ng 2023 Miss Universe Philippines pageant noong nagdaang buwan.

Bilang unang reyna ng batch niya na lalaban abroad, halos wala nang panahon si Amelinckx upang makapagpahinga, at nagpatuloy na mula sa paghahanda niya para sa pambansang patimpalak.

“I don’t really have much of a break to take for myself. But I think that’s a good thing. Perhaps, at least, the momentum can continue rising. And then also I don’t allow any time or place for complacency,” ibinahagi ni Amelinckx, na nasungkit ang korona niya sa ikatlong pagsali sa Miss Universe Philippines pageant.

At dahil may katuwang na paligsahang panlalaki ang pandaigdigang patimpalak niya na halos sabay isinasagawa, ang Mister Supranational finals itatanghal pa nga kinabukasan ng kumpetisyon ng mga babae, sinamahan din siya sa sendoff press conference ng lalaking kinatawan ng bansa, si Johannes Rissler.

Sinabi ng dalawa na kahit wala pang bansang nananalo nang sabay sa Miss Supranational at Mister Supranational sa isang taon, naniniwala silang maaari itong mangyari.

“All I can say is one sentence: Nothing is impossible,” pahayag ni Rissler.

Sinabi naman ni Amelinckx, “it is definitely possible, especially with this ‘Supra’ duo.”

Nagkasabay na ang pares sa ilang pagsasanay para sa question-and-answer portion, inilahad ni Amelinckx.

“I think we somehow bring out certain aspects of ourselves by helping each other. I really admire how very down to Earth Johannes is, and how he’s also very passionate about his music. And I really look forward to him being able to also bring that into the Mister Supranational stage,” dinagdag niya.

Itatanghal ang coronation show ng 2023 Miss Supranational pageant sa Strzelecki Park Amphitheater sa Nowy Sacz, Poland sa Hulyo 14 (Hulyo 15 sa Maynila), habang isasagawa naman ang 2023 Mister Supranational contest sa naturang lugar din sa Hulyo 15 (Hulyo 16 sa Maynila).

Related Chika:

Read more...