Miss Supranational Philippines Pauline Amelinckx todo-pasalamat sa natatanggap na suporta
HINDI man nasungkit ni Pauline Amelinckx ang korona bilang Miss Universe Philippines sa ikatlo niyang pagtatangka sa titulo, nagpasalamat pa rin siya sa naging mabungang pagtuntong sa pambansang entablado.
“I wanna say thank you from the bottom of my heart, thank you so much. All your love, all your support, every year, for the past few years has been so moving and so heartwarming,” sinabi ng Belgian-Filipino model at host mula Bohol makaraang tanggapin ang korona bilang Miss Supranational Philippines sa victory party ng patimpalak sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City madaling-araw ng Mayo 14.
Itinuturing na frontrunner si Amelinckx bago itinanghal ang finals, humakot ng awards sa preliminary competition—Miss Smilee Apparel, Miss So-en, Miss Titan Universe, Miss Creamsilk Ultimate, Miss Jojo Bragais, Miss Hello Glow, Miss Avana, Miss Enderun, Miss Kemans Body, at Miss Origee Beauty Drink by Skin Magical.
Nakasali rin siya sa limang nakakalap ng pinakamaraming boto sa dalawa sa tatlong online challenges, ang Swimsuit Challenge at Jojo Bragais Runway Challenge, nanguna pa sa swimsuit challenge na nagpalusot sa kanya sa semifinals noong final competition.
Sa loob ng Mall of Asia Arena kung saan itinanghal ang coronation program noong Mayo 13, napakarami ng mga taga-suporta ni Amelinckx, pinaulanan siya ng hiyawan at palakpakan tuwing sasampa siya sa entablado, sumisigaw ng “Bohol,” ang lalawignag binitbit niya mula sa una niyang pagsali noong 2020 at nagtapos bilang third runner-up, at nang bumalik noong isang taon at hinirang bilang Miss Universe Philippines-Charity.
“This has been one of those driving factors that really kept me going. And that really drove me to want to become better, more evolved and transformed. So to all of you, thank you so much, ‘daghang salamat’ (thank you),” aniya.
Bago sumabak sa Miss Universe Philippines pageant noong 2020, nagtrabaho si Amelinckx sa tourism office ng pamahalaang panlalawigan ng Bohol. Naglathala rin siya ng isang coloring book na pambata na tampok ang yamang-dagat ng lalawigan. Halaw naman ang huli niyang national costume sa ube na laganap sa Bohol.
Ngunit sa una niyang pagbandera sa pandaigdigang entablado, hindi lang Bohol ang bibitbitin ni Amelinckx kundi ang buong bansa. Siya ang una sa tatlong national titleholders na sasabak sa ibayong-dagat. Siya ang kinatawan ng Pilipinas sa ika-14 edisyon ng Miss Supranational pageant sa Poland sa Hulyo. Sa ika-72 Miss Universe pageant naman sa El Salvador lalaban ang main winner na si Michelle Dee, na isa pang nagbalik na kandidata at dating Miss World Philippines titleholder. Sasali naman sa ikalawang Miss Charm pageant sa Vietnam sa isang taon si Krishnah Gravidez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.