Megan Young, Mikael Daez 3 years nang kasal, pero bakit nga ba wala pa rin silang baby hanggang ngayon?
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Mikael Daez at Megan Young
MORE than three years nang nagsasama bilang mag-asawa ang Kapuso couple na sina Megan Young at Mikael Daez kaya maraming nagtatanong kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin silang baby.
Kapag nakakachikahan ng entertainment media ang dalawa ay hindi rin nawawala ang usapan tungkol sa pagkakaroon nila ng little Megan o little Mikael sa kanilang tahanan.
Tulad na lang sa naganap na grand presscon ng upcoming primetime series ng GMA 7 na “Royal Blood” kung saan kasama nga sa cast members sina Mikael at Megan. Pinagbibidahan ito nina Dingdong Dantes, Rhian Ramos, Rabiya Mateo at Tirso Cruz III.
Muling nausisa ang mag-asawa kung may plano na silang magkaanak anytime soon. Ayon kina Megan at Mikael hindi naman daw sila nape-pressure kapag kinukulit sila tungkol sa pagbubuntis.
Knows daw nila na kung bibigyan sila ng anak ay darating at darating ito kahit hindi nila ipilit. Naniniwala ang mag-asawa na mabibiyayaan din sila ng baby sa tamang panahon.
Sey pa ni Megan, hindi raw nilalagyan ng date ang tungkol sa pagbubuntis, nangyayari na lang daw ito kung talagang ipagkakaloob sa kanila ni Mikael.
“Eto na! Hintayin niyo pa lalo!” ang birong tugon ni Megan nang kulitin namin ng kaibigang manunulat na si Rommel Gonzales tungkol sa pagbubuntis pagkatapos ng grand mediacon ng upcoming Kapuso series na “Royal Blood.”
Sumeryoso naman agad ang aktres sabay paliwanag, “Hindi mo nilalagyan ng date ang mga ganyan, nangyayari lang talaga. Kung meron, meron. Let’s see what life brings.”
Sundot na tanong kay Megan, ibabandera ba nila sa buong universe sakaling biyayaan na sila ni Mikael ng anak, “Hmmmm… (sabay himas sa kanyang tiyan) malay n’yo? Hindi n’yo alam biglang malaki na pala yung tiyan ko! Ha-hahahaha!”
Sabi naman ni Mikael, “Kilala n’yo naman kami, go with the flow naman kami. So let’s see. We believe na kapag talagang (inilaang magkaanak), darating at darating.”
Tungkol naman sa kanilang relasyon as married couple, sey ni Megan, “We just enjoy life. Lagi pa rin kaming may nadi-discover sa isa’t isa.
“I mean, like with everything that we do. Like, we’re creating digital or online content all the time, we’re trying to keep up with the trends also. So just that in itself, ang dami kong natututunan sa kanya and ang dami rin niyang natututunan sa akin,” pagbabahagi pa ng nag-iisang Miss World titleholder ng Pilipinas.
Samantala, muli ngang magkakasama sa seryeng “Royal Blood” ang mag-asawa makalipas ang limang taon. Una silang nagkatrabaho sa GMA afternoon series na “The Stepdaughters.”
Ano ang bagong ipakikita nila sa manonood at paano ito naiiba sa dati nilang mga serye? “I think it’s the dynamics of the characters, I think that’s the biggest difference,” sagot ni Megan.
“Yung before kasi sa Stepdaughters very lovey-dovey, parang young individuals. Mas kilig noon. Dito kasi (Royal Blood) mas malalim yung pinaghuhugutan ng characters in the sense na marami na kaming baggage.
“So, parang kailangan namin talagang pag-usapan na, ‘Okay, paano ba tayo dito?’ Kasi I feel like Diana’s character is (ibang-iba) from Megan, even Kristoff is totally different kay Mikael.
“So, kailangan namin pag-usapan, ‘Kung tayo si Diana at Kristoff, paano tayo magre-react sa linya ni Napoy, sa linya ni Margaret and all the other characters?’” paliwanag ni Megan.
“I feel like mas intimate din yung dating ng show. Intimate in the sense na, when you saw the trailer kanina, di ba, puro close-ups? So, I feel na mas nakikilala mo yung nuances ng bawat character,” dagdag chika ni Megan.
Mapapanood na ang “Royal Blood” sa Lunes, June 19 sa GMA Telebabad mula sa direksyon ni Dominic Zapata.