Herlene Budol ibinuking ng 2 veteran stars, palaging umiiyak kapag sumasablay sa eksena pero marespeto sa mga katrabaho
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Herlene Budol, Chanda Romero at Sandy Andolong
IIYAK nang iiyak ang Kapuso comedienne na si Herlene Budol kapag nagkakamali at nate-take 2 ang mga eksena niya sa bagong Kapuso series na “Magandang Dilag.”
Ayon sa dalaga, hindi niya mapigilan ang maging emosyonal kapag may mga nagagawa siyang sablay sa kanilang taping lalo na kapag kaeksena niya ang mga veteran stars, tulad nina Sandy Andolong at Chanda Romero.
Pero sa kabila nito, puring-puri pa rin siya nina Chanda at Sandy dahil nakikita raw nila ang kasipagan at dedikasyon ni Herlene sa trabaho lalo na ang ginagawa nitong preparation bago sumalang sa harap ng mga camera.
Sa naganap na presscon ng “Magandang Dilag” nitong Sabado, June 17, ay natanong sina Chanda at Sandy kung paano nila ilalarawan si Herlene bilang katrabaho at bilang bida sa latest afternoon series ng GMA 7.
Habang nagsasalita sina Chanda at Sandy ay obvious na obvious ang nararamdamang hiya ni Herlene.
“The first day I reported to the set and I met Herlene sa tent, right away, alam ko na hindi ako mahihirapan sa kanya because what I saw were pages of hand-written lines niya in yellow pad and I was thinking, ‘okay, she means business,’ and I was hoping sana hindi lang pang-first day ito ha?” simulang kuwento ni Chanda about Herlene.
“True enough, hanggang last day, ganyan siya kahit wala siyang tulog. Kahit na pagod na pagod siya, she had so many things on her plate.
“I love her also because she respects her colleagues. She respects our time, our efforts. She knows that this is a craft. Hindi talaga ako mahihirapan sa kanya.
“I liked her from the very start and I just like her even more kaya lang ang nakakatawa kay Herlene kapag nate-take two siya, pagbalik niya sa dressing room, ayan na, iiyak na yan kasi, ‘Hiyang-hiya naman ako Tita. Na-take two ako sa’yo! Nakakahiya sa’yo Tita!’
“Iiyak na yan profusely and then, I always tell her, ‘it’s okay. You did your best and it does happen to everyone. It happens to the best ones.’ And I love her authenticity. She’s just so herself,” pahayag ni Chanda.
Sabi naman ni Sandy, “Like what Chanda said, hindi mahirap na mahalin si Herlene kasi napakamagalang niya. The first day that we met, what you see is what you get.
“She’s a very honest person and that’s what I love about her. Kung anuman yung lumabas sa bibig niya, ganoon siya. Siya yun. Wala siyang pretensions. Gustung-gusto ko yun.
“She’s so so real and very honest to herself, pati na rin sa aming mga katrabaho niya..At napakamagalang niya. She’s so eager to learn. She’s so eager to be a good actor.
“Eager siyang magkaroon ng maganda at maayos na pangalan sa sarili niya, plus the fact na alaga niya yung pamilya niya. Malaking bagay na ang priority niya yung tatay niya at mahal na mahal niya yung nanay niya.
“Ang tawag na nga niya sa akin, nanay, so it was easy for us to become very, very close. Parang anak na rin ang tingin ko sa kanya,” pahayag ng wifey ni Christopher de Leon.
Naikuwento pa nga ni Sandy na hirap na hirap daw si Herlene na kumawala sa karakter na ginampanan sa “Magandang Dilag” na isang babaeng hindi kagandahan na biglang magbabago ang buhay matapos yumaman at magparetoke
“Kapag nga lang talagang mabigat ang eksena, naaawa ako sa kanya. Bigay na bigay talaga yung pag-iyak niya na to the point na kahit nag-cut na si Direk, talagang tuluy-tuloy pa rin ang pagngawngaw niya na kailangan, kahit paano anuhin mo siya na ‘okay lang, breath in, breath out. Okay na, tapos na yun.’
“Buong-buo ang pagbigay niya sa role at bagay na bagay talaga sa kanya. It’s really for her,” ani Sandy.
Mapapanood na ang “Magandang Dilag” sa GMA Afternoon Prime simula sa June 26. Kasama rin dito sina Benjamin Alves at Rob Gomez bilang mga leading man ni Herlene.