HINDI natuloy ang ikalawang operasyon sana ng angioplasty ng batikang aktor na si Gardo Versoza.
Ibinalita ‘yan mismo ng King of Talk na si Boy Abunda sa kanyang programa kamakailan lang.
Kung maaalala, noong June 8 nang mag-post pa si Gardo sa kanyang Instagram na ibinandera ang kanyang litrato habang nasa ospital bago operahan.
Wala pang update mismo si Gardo kung ano ang nangyari sa kanya, pero ayon kay Tito Boy ay nagkaroon ng komplikasyon ang aktor.
Ilan lamang diyan ang pananakit ng likod, hirap huminga at bumaba ang kanyang hemoglobin o pulang dugo.
Baka Bet Mo: Gardo Versoza nagbebenta ng gym equipment pangtustos sa pangalawang angioplasty
“Gardo Versoza was supposed to undergo his second angioplasty…pero madaling araw ng Biyernes ay nanakit ang likod ni Gardo at nahirapan huminga,” sambit ni Tito Boy.
Patuloy niya, “Reason for his wife Ivy to bring him to the hospital at doon nga ang findings ay bumaba po ang kanyang hemoglobin at kinailangang salinan ng dugo.”
“So hindi natuloy ang kanyang operasyon at sa kasalukuyan, siya ay nagpapahinga,” kwento ng TV host.
Tiniyak naman ng King of Talk na nasa mabuting kalagayan si Gardo at posibleng matuloy na ang operasyon nito sakaling maging okay ang resulta sa gagawin test sa mga susunod na linggo.
Sey niya, “But Gardo is okay, he is safe. After two weeks, ite-test muli siya kung handa na para sa kanyang pangalawang angioplasty.”
Kasunod niyan ay humingi ng dasal si Tito Boy para sa tuluyang paggaling ng kanyang kaibigan na aktor.
“Ang sa akin lamang ay sa ating mga kakababayan at sa ating mga Kapuso ay ipagpatuloy po natin ang pagdarasal natin para sa kaibigang Gardo Versoza,” saad niya.
Para sa mga hindi pa aware, ang angioplasty ay isang medical procedure kung saan tinatanggal nito ang mga baradong ugat sa puso upang muling mapanatili ang maayos na blood flow sa katawan.
Kung maaalala noong Marso lamang ay napabalitang naospital si Gardo matapos siyang atakihin sa puso.
Ang dahilan niyan ay ang labis na page-exercise.
Agad na sumailalim ang aktor sa angioplasty procedure at naging matagumpay ito kaya naman na-discharge na rin siya sa ospital noong Abril.
Gayunpaman, pinayuhan siya ng doktor na kailangan ulit sumailalim sa isa pang angioplasty dahil dalawang ugat ang nakitang barado.
Related Chika: