SAMPUNG bagong Pilipinang reyna ang kinoronahan sa kambal na kumpetisyong itinanghal ng Lumiere International Pageantry, isang organizer mula Singapore, sa palatuntunang isinagawa sa Golden Ballroom ng Okada Manila sa Parañaque City noong Hunyo 3.
Ang pinuno mismo ng organisasyon na si Justina Quek ang naggawad ng mga titulo sa mga bagong reyna.
Lumipad siya mula sa Singapore upang pangasiwaan ang pagtatanghal ng 2023 Mrs. Philippines Asia Pacific at 2023 Miss Philippines Lumiere International World pageants.
Nasungkit ni Christine Garcia Esguerra, 41, ina ng dalawang anak na lalaki mula Gapan City, Nueva Ecija, ang pangunahing titulong Mrs. Philippines Asia Pacific-Global sa patimpalak na may 18 kalahok.
Hinirang din siya bilang Mrs. Glamor at Mrs. Queen of People’s Choice.
Samantala, kinoronahan bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-All Nations si Ma. Cristina Pilones mula Taguig City.
Itinanghal bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-Tourism si Roxan Deris mula Las Piñas City, habang Mrs. Philippines Asia Pacific-Cosmopolitan naman ang cancer survivor na si Jenelyn Panganiban.
Baka Bet Mo: Organizer sa Singapore magtatanghal ng national pageant sa Pilipinas
Binuo ang hanay ng mga reynang misis ni Mrs. Philippines Asia Pacific-Intercontinental Geraldine Dela Cerna mula San Pedro, Laguna.
Tinanggap din ni Deris ang parangal bilang Mrs. Goodwill, habang Mrs. Facebook Popularity at Mrs. Woman Empowerment si Panganiban.
Hinirang naman si Dela Cerna bilang Woman of Purpose at Mrs. Charity Queen.
Nagtapos naman bilang first runner-up si Annunsacion Salazar, habang second runner-up si Ma. Lorna Toriado, na Mrs. Lumiere Wellness din.
Lahat ng limang titleholders babandera sa 2023 Mrs. Asia Pacific pageant sa Singapore, isang international competition na inoorganisa rin ng Lumiere International pageantry.
Nagpakita rin ng suporta sa katatapos na pambansang patimpalak ang mga Pilipinang lumaban sa iba’t ibang patimpalak na itinanghal ng Singaporean organizer.
Tumulong si reigning Mrs. Asia Pacific-All Nations Louise Suzanne Alba-Lopez sa pag-organisa ng kambal na kumpetisyon, habang kasama naman sa mga inampalan sina 2019 Mrs. Asia Pacific-Global Avon Morales at 2023 Mrs. Worldwide Special Queen Ambassador Sarima Paglas.
Dumalo rin si Krisanta La Madrid, hinirang na Lumina Golden Goddess sa 2023 Mrs. Worldwide pageant, upang maggawad ng parangal.
Sa 2023 Miss Philippines Lumiere International World pageant naman, nasungkit ni Kristille Atinen mula Cebu City ang pangunahing titulo. Tinanggap din niya ang “Best Advocacy” award. Kakatawanin ng mang-aawit ang Pilipinas sa 2024 Miss Lumiere International World contest, na pansamantalang nakatakda sa Enero sa Singapore.
Kinoronahan naman si Micah Castrence mula Maynila bilang Miss Philippines Global Universe, at magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2024 Miss Global Universe pageant, na inoorganisa rin ng pangkat ni Quek. Nitong Mayo lang itinanghal ang huling edsiyon nito, sa Malaysia.
Napunta naman ang titulong Miss Philippines Tourism Worldwide kay Angel Secretaria, na “Miss Facebook Popularity” din.
Siya ang kakatawan sa bansa sa isa pang pageant ng Lumiere, ang Miss Tourism Worldwide pageant na pansamantalang nakatakda sa Pebrero 2024 sa Hong Kong.
Nagwagi sa unang Miss Tourism Worldwide contest ang Pilipinang si Zara Carbonell, na isa rin sa mga inampalan ng katatapos na pambansang patimpalak.
Dalawa pang pambansang titulo ang iginawad sa mga bagong reyna. Kinoronahan bilang Miss Philippines Supermodel Global si Nicole Lao mula Quezon City, habang Miss Philippines Bikini Worldwide naman si Allaine Nuez mula Bacoor City, Cavite, na Best in Evening Gown din.
Nagtapos naman bilang mga runner-up sina Kyla Plamenco at Sheila Kaye Bellen.
Related Chika: