Rabiya patuloy ang paghahanap sa ama: ‘Wala naman po akong kailangan sa kanya, I have money na and naka-provide na ako sa family ko’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Rabiya Mateo
SA nalalapit na pagdiriwang ng Father’s Day ay isa lamang ang hiling ng Kapuso actress at beauty queen na si Rabiya Mateo — iyan ay ang makita na sana ang kanyang ama.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang dalaga na isang araw ay magkikita at makakaharap din niya ang tatay niyang Indian-American na iniwan sila ng kanyang inang Ilongga na si Christine Occeña, noong limang taong gulang pa lamang siya.
Inamin ni Rabiya na isa sa mga dahilan ng pagsali niya sa Miss Universe Philippines noong 2020 ay para magkaroon siya ng pagkakataon na mahanap ang ama. Umaasa kasi siya na kapag lumaban siya sa Miss Universe ay mas mapapadali ang paghahanap niya rito.
Ngunit makalipas ang tatlong taon, bigo pa rin siya sa kanyang misyon. Pero nararamdaman ni Rabiya na darating pa rin ang araw na magkikita sila.
Ang plano ng dalaga, baka raw pumunta uli siya sa Amerika sa darating na November kasama ang boyfriend na si Jeric Gonzales para muling ipagpatuloy ang kanyang misyon na mahanap ang kanyang tatay.
Nakachikahan namin si Rabiya sa presscon ng kauna-unahan niyang teleserye sa GMA 7, ang “Royal Blood” kung saan gaganap siya bilang leading lady ni Dingdong Dantes. Dito, kinumusta namin ang paghahanap niya sa amang si Mohammed Abdullah Syed Moqueet Hashmi.
“Ang alam ko nasa US po siya, last state niya was Chicago. I tried to look for him, even yung mga kasing-last name niya na taga-Chicago mine-message ko.
“Pero sad ending talaga palagi. Like, they don’t know my dad. But in my heart I can feel na I’m gonna see him,” ang positibo pa ring pananaw ni Rabiya.
Binalikan din niya ang panahon nang tangkain niyang hanapin sa US ang ama kasabay ng paglaban niya sa Miss Universe pageant, “Pero during that time, iba yung priority, like meet and greet, compete. Yung mindset nasa competition dapat, I have to win.
“And nu’ng kailangan ko nang umuwi, wala namang tsansa na kasi wala nang oras. So, siguro ngayon na I have the resources na, gusto kong maglaan po sana ng at least one month to be there and to look for him,” sey pa ni Rabiya.
Nag-usap na rin daw sila ng boyfriend niyang si Jeric Gonzales tungkol dito, “Kung papayagan ng schedule, pinag-usapan namin ni Jeric, probably mga, during my birthday, November, kung papayagan ng management, gusto kong pumunta sa US.”
May mga nagsabi noong lumaban siya sa Miss Universe Philippines at Miss Universe 2020 na posibleng nakita na siya ng kanyang tatay pero hindi lang ito gumawa ng paraan para magkita sila, as in dedma lang.
“Marami din pong nagsabi nu’n. Pero ako po, parang positive energy pa rin yung meron ako in my heart, na he has his reason kung bakit. And instead of judging him, I need to understand him.
“Kasi matanda na po ako, kung magagalit ako sa tatay ko, ako lang din po yung matatalo. That pain can turn me into a monster.
“So, ngayon, gusto ko lang ma-meet siya kasi wala naman po akong kailangan sa kanya. I have money na, naka-provide na ako sa pamilya ko, I just wanna know him. And I just wanna know if he’s okay, kasi kung hindi, I’m gonna be the daughter that he needs,” sabi ni Rabiya.
At kung hindi na talaga sila pagtatagpuing mag-ama, “I’m gonna be very sad about it pero ipapasa-Diyos ko na lang. If hindi ko na siya makikita, babawi na lang ako sa pamilyang bubuuin ko.”