Martin del Rosario sanay na sanay na sa iskandalo: ‘Kapag totoo, ina-admit kong kasalanan ko, nagso-sorry agad ako’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Martin del Rosario
KUNG may isang male celebrity na palaging nabibiktima ng fake news at mga pinekeng litrato sa social media, yan ay walang iba kundi si Martin del Rosario.
Ilang beses na rin kasing nasasangkot ang Kapuso actor at “Voltes V: Legacy” star sa iskandalo at kontrobersya na naglalagay lagi sa kanya sa balad ng alanganin.
Napag-usapan ang tungkol dito nang sumalang si Martin sa “Trip to The Hot Seat” segment ng weekly morning talkshow ng GMA na “Sarap, ‘Di Ba?” hosted by Carmina Villarroel with her twins Mavy and Cassy Legaspi.
Ang isang natanong sa Kapuso actor, “Sa dami ng naglalabasang social media scandal issues ngayon, na may mga fake at totoo, natakot ka ba na may lumabas din na ganitong issue sa ‘yo?”
Sagot ng binata, sanay na sanay na siya sa mga ganitong klase ng isyu dahil mula pa noong nagsisimula pa lamang siya ay palagi na siyang binabato ng kung anu-anong malilisyosong balita.
“Ako po kasi parang medyo sanay na ako dahil nakailang ganyan na ako. Maraming mga fake na lumalabas.
“Ang daming bashers, mga recent scandals ko, mga pagiging irresponsible ko sa mga pag-post or mga pagiging irresponsible ko noong bata pa ako. Medyo sanay na ako. Sanay na ako i-deal ‘yung bashers,” pahayag ni Martin.
Dedma rin daw siya sa mga “fake scandal”, “Ako, kapag hindi totoo, ignore. Ignore talaga. Hindi ako pumapatol sa comments or mga ano, totally ignore.”
At kapag may bahid naman ng katotohanan ang naglalabasang chika about him, matapang niya itong hinaharap kasabay ng pag-amin at paghingi ng paumanhin.
“Pero kapag totoo, ina-admit ko na kasalanan ko, nagso-sorry ako kung kailangan saka mahalaga ina-admit mo na nagkamali ka,” aniya pa.
* * *
Wagi na naman sa TV ratings ang action-comedy series ng GMA, ang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” nitong June 11.
Ayon sa NUTAM People Ratings data, nakapagtala ang second episode nito ng 13.4 percent na higit na mataas sa rating ng pilot episode na 12.3 percent.
Patuloy ang pagsuporta ng Kapuso viewers na linggo-linggong sinusubaybayan ang programa. Narito ang ilan sa mga komento ng netizens.
“Every Sunday lagi ko pong pinapanood si Senator Bong Revilla sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis. Idol na idol ko po kayo Senator Bong Revilla mula noon hanggang ngayon. God bless po.”
Hirit naman ng isa pang supporter, “Inaabangan ko lagi ‘yan, Idol! Congratulations po, Tolome!”
Patuloy na subaybayan ang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” tuwing Linggo, 7:50 p.m., sa GMA.