#MayHimala: Sheryn Regis naka-survive sa thyroid cancer; wala pang planong magpakasal at ‘magkaanak’ kay Mel de Guia
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Mel de Guia at Sheryn Regis
#LOVE WINS naman talaga ang relasyon at pagmamahalan ng proud LGBTQIA+ couple na sina Sheryn Regis at Mel de Guia.
Kasama ng Birit Queen at tinaguriang Crystal Voice of Asia ang kanyang partner sa ginanap na presscon kahapon, June 12, para sa bonggang 20th anniversary concert niyang “All Out“.
Yes, proud na proud na ipinakilala ni Sheryn sa mga kaibigan niya sa entertainment media si Mel na isa sa mga producer ng kanyang upcoming concert na gaganapin sa Music Museum sa July 8.
Sabi ni Sheryn, isang malaking blessing ang pagka-come out niya bilang member ng LGBTQ pati na ang pagdating ni Mel sa kanyang buhay na tanggap na tanggap ng kanyang pamilya.
“I’m flaunting. I’m very open now kasi alam ko na nandiyan ang support ng family ko. Minsan pala, na muntik ka nang mamatay, you treasure the moment.
“Doon mo ma-feel na you have to treasure everything, who’s in front of you, who’s beside you. That’s why I’m flaunting everything at na-express ko lahat ng nasa damdamin ko. I’m happy that I have a happy heart,” ang masayang pahayag ni Sheryn.
Naikuwento rin niya ang kanyang pakikipaglaban sa thyroid cancer noong 2016. Aniya, itinuturing niyang himala ang kanyang paggaling at mabigyan pa ng pangalawang pagkakataon para mabuhay.
“This is another chance for me in life after I survived thyroid cancer. Akala ko talaga hindi na ako makakakanta. Ipapakita ko sa inyo na kayang kaya ko pa. The show will be a story of my journey and the songs that we shared for 20 years.
“Akala ko after surgery mawawala ang boses ko eh. Hindi pala. Pwedeng mag change but hindi siya nawala. Matigas talaga ang ulo ko na after three weeks kumanta po uli ako.
“Pwede siyang bumuka pero sabi ko ‘Lord, ikaw na bahala.’ Scientifically, what I’m doing is wrong but my faith is still there. This is a miracle of life,” chika ng biriterang singer.
Sa katunayan, “Parang tumaas nga siya eh. So nagrecord ako ng ‘Gusto Ko Ng Bumitaw’ akala ko hindi ko na kaya pero mas tumaas pa pala. Nag iba yung placement ng voice ko.”
Para naman kay Mel, proud na proud din siya na umabot na ng two years ang relasyon nila ni Sheryn at nagpapasalamat siya sa patuloy na pagmamahal, pagrespeto at pagsuporta sa kanya ng singer.
“Flattered ako and at the same time, overwhelmed. Hindi naman namin ito pinag-usapan. Tinanggap ko si Sheryn bilang ordinaryong tao. Hindi dahil sikat siya.
“Siguro kung nakilala ko sya 20 years ago noong kasikatan niya, siguro hindi ko nakita ang sarili ko sa ganu’ng sitwasyon.
“Hindi perfect ang relationship namin. May struggles, may problem na dumarating sa amin. Pero sabi nga niya, wala namang ibinigay sa atin si Lord na hindi natin kaya unless tayo ang mag-give up.
“Thankful din ako dahil pinagkatiwalaan din niya ako. Kung may love, dapat nandiyan yung trust and respect,” pagbabahagi pa ng vlogger at negosyante.
Wala pang plano sina Sheryn at Mel na magpakasal at magkaroon ng sariling anak. Sabi ni Mel, “Sapat na sa akin na mahal mo ako at tanggap ako ng pamilya mo. Hindi na kailangan ipagsigawan.”
Reaksyon ni Sheryn, “Grabe ang support ni Mel sa akin dahil tinanggap niya ako kahit may anak ako.”
At tungkol naman sa pagkakaroon ng sarili nilang anak, “Unang-una may baby na nga ako si Inday (Sheryn). I mean si Sweety (anak ni Sheryn) po. Nakakaisip din tayo ng ganyan pero hindi ngayon. Kung ibibigay ni Lord. Pinaghahandaan din namin si Sweety ngayon para sa pagpasok niya sa college.”
Dagdag ni Sheryn, “Mahirap din magkaroon ng anak. Kung magkakaroon man kami ng anak why not? Blessing din yan eh. Pero dapat paghandaan. It’s a lifetime commitment.”
Samantala, maraming inihandang pasabog si Sheryn para sa lahat ng manonood ng kanyang 20th anniversary concert sa Music Museum sa darating na July 8.
“Doon niya raw iri-reveal ang iba pang kaganapan sa buhay niya na ngayon lang niya sasabihin sa publiko, “Marami akong sasabihin sa concert na hindi pa alam ng iba. Mga untold stories of my journey.”
Bukod sa kanyang Music Museum show, kung saan special guests sina Ima Castro, Dianne dela Fuente, MMJ Magno, Miss Tres at JMRTN ng REtroSPECT, nakatakda ring dalhin ni Sheryn at ng mga producer ng “All Out” sa iba’t ibang bahagi ng Amerika at Canada.