Rebelasyon ni Joey…Ryzza Mae, Ryan, Paolo pinatsutsugi sa Eat Bulaga: ‘Pero sabi namin, ‘Di pwede, tanggalin n’yo na kaming lahat’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon at ang iba pang Dabarkads
NAPAKARAMING rebelasyon na pinakawalan ang tinaguriang Henyo Master na si Joey de Leon tungkol sa paglayas nila sa poder ng TAPE Incorporated na pag-aari ng pamilya Jalosjos.
Ibinuking ni Boss Joey na hindi lang ang young TV host na si Ryzza Mae Dizon ang nais patalsikin ng TAPE sa “Eat Bulaga” kundi pati na rin ang iba pang co-hosts ng programa.
Sabi ng veteran TV host at movie icon, gusto ring tanggalin ng producer ng longest-running noontime show sa Pilipinas sina Ryan Agoncillo at Paolo Ballesteros.
“Sige, sasabihin ko na sa inyo yung totoo, pinapatanggal nila si Ryzza Mae, yung bata, si Ryan Agoncillo, at saka si Paolo Ballesteros. Ewan, may mga ipapasok silang bagong talents nila. Pati si Maine (Mendoza), actually.
“Pero sabi namin, ‘Di puwede, e, tanggalin niyo na kaming lahat.’ Pati ano, mga official ng production, hindi lang sa hosts, e.
“Pati mga portions namin, gusto palitan, ewan ko, di raw sila natutuwa. Si Tito ang magandang magpaliwanag niyan, si Tito ang palaban, e,” pahayag ni Joey sa panayam ng One News last June 8.
Sabi pa ng komedyante, hindi nila pinilit na sumama sa kanila ang iba pang original Dabarkads, “Through the years, basta gusto niyo sumama, nandito lang kami.
“Wala talagang ano, alam mo, bago pa kami maging Kapatid kami, magkakapatid na turingan namin. So, walang nagsisikretuhan sa amin. Pinagtatanggol namin.
“Kaya nga nangyari ito dahil may pinapatanggal sila na tatlong hosts, e. Yun ang totoo, may pinapatanggal silang tatlong hosts,” aniya pa.
Tungkol naman sa napabalitang mga dahilan kung bakit nagdesisyon na silang iwan ang TAPE, “Well, nasagot na yan ni Tito (Sotto). Maraming babaguhin, e. Kasi nga after 44 years babaguhin mo, e, di magkakagulo talaga.
“May tatanggalin, may papalitan, may ika-cut na suweldo. Yan ang tototo. Across the board, malaking… malaki ang slash. So, magulo.
“Biro mo, magugulat kayo, after 44 years, wala namang ano, sitting pretty everybody, kumikita, ganyan, biglang nag-change ng management, ‘We’re taking over,’ pak! Siyempre magkakagulo. E, kami nga nagulat, e, ‘Ha? Ganu’n?’ Yun ang reaction namin. So yun nga ang nangyari,” pagbabahagi pa ni Boss Joey.
Dagdag pa niyang rebelasyon, “Ako nga, mabigat yung nabitawan ko nung isang meeting, e. Sabi ko, ‘Hindi ba puwedeng paabutin niyo lang kami ng 50 years tapos sipain niyo na kami?’
“Yan ang words ko mismo. ‘Sipain niyo na kami.’ Hindi, totoo, yun ang sinabi ko. Ito, first time ko sinabi ito. Ayoko nga ng magulo, may away, ganu’n.
“So, basta masaya kami, nakalipat na kami sa bagong bahay namin,” sey pa ng veteran comedian.
Inaasahang magsisimula ang bagong programa ng TVJ sa TV5 sa unang linggo ng July. Matigas ang pagkakasabi ni Tito Sotto sa isang panayam na ipaglalaban nila ang paggamit ng titulong “Eat Bulaga” sa paglipat nila sa Kapatid Network.