AYON sa weather bureau na PAGASA, ngayong araw na inaasahang lalabas ng ating bansa ang bagyong Chedeng na nasa bahagi ng Luzon.
“Inaasahan nga na papalayo na si Chedeng sa ating landmass at maaari nang lumabas sa ating Philippine Area of Responsibility ngayong gabi,” sey ni Weather Forecaster Veronica Torres.
Dagadag pa niya, “Inaasahan nga natin na hihina pa itong si Chedeng at maging isa na nga lang Severe Tropical Storm category within the day.”
Huling namataan ang bagyo 1,100 kilometers silangang bahagi ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas na hangin na 120 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 150 kilometers per hour.
Baka Bet Mo: PAGASA may bagong instrumento upang ma-monitor ang dami ng ulan
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25 kilometers per hour papunta sa hilaga.
Muling tiniyak ng PAGASA na walang epekto sa ating bansa ang bagyo, ngunit pinapalakas nito ang Northeast Monsoon o Hanging Habagat na siyang nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang lugar.
“Sa kasalukuyan, wala pa ring direktang epekto si Chedeng sa kahit anong parte ng ating bansa,” sambit ni Torres.
Patuloy pa ng weather forecaster, “Samantala itong Southwest Monsoon o Hanging Habagat, patuloy pa rin ‘yung epekto sa may Central Luzon, Southern Luzon, kabilang na ang Visayas at Mindanao.”
“Kaya ang mga kababayan natin na nakatira sa flood-prone areas at landslide-prone areas ay pinag-iingat natin sa mga banta ng baha at pagguho ng lupa,” panawagan pa niya.
Kasalukuyang nakararanas ng monsoon rains ang Zambales at Bataan.
May kalat-kalat na pag-ulan naman sa Metro Manila, Ilocos Region, CALABARZON, Abra, Benguet, Palawan, Occidental Mindoro, Antique, at sa natitirang bahagi ng Central Luzon.
Habang ang nalalabing parte ng bansa ay may panaka-nakang pag-ulan na dulot din ng Habagat.
Read more:
Panahon ng tag-ulan sa bansa opisyal nang idineklara ng PAGASA