Nanay na ‘inireklamo’ nakatanggap pa ng tulong mula sa ‘CIA with BA’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Boy Abunda, Pia Cayetano at Alan Peter Cayetano
NAKAGUGULAT ngunit nakakaantig ng puso ang tagpo kung saan ang taong inirereklamo ang naging karapat-dapat bigyan ng tulong.
Sa episode ng “CIA with BA” nitong nagdaang Linggo, June 4, dumulog ang dalawang babae (Soledad at Margie) para sa tulong at payo ng public service program tungkol sa isang babae (Nanay Feliza) na inaalagaan ang anak (Alvin) sa kabila ng mga kaguluhan na idinudulot daw nito sa komunidad.
Inaamin naman ni Nanay Feliza na si Alvin umano’y may problema sa pag-iisip.
Sa halip na isipin ang sarili bilang mga biktima, ang paglapit nina Soledad at Margie sa programa ay tila tanda ng pagmamalasakit sa matanda, kay Alvin, at sa mga kapitbahay.
Ipinunto ni Sen. Pia Cayetano na bawat isa sa komunidad ay may karapatan para sa kapayapaan at dignidad. “Sa maniwala kayo o sa hindi, nasa batas ‘yan,” sabi niya.
“Kayo bilang isang dakilang nanay, may karapatan kang makuha ang respeto ng mga kasama (at kapitbahay) mo,” sabi ni Sen. Pia kay Nanay Feliza.
“‘Yung anak mo rin, may karapatan din na ganoon, na alagaan ng komunidad,” dagdag pa niya.
“At kayo rin may karapatan rin kayong respetuhin at magkaroon ng katahimikan,” ang paalala pa ng senadora sa mga nagrereklamo.
Bilang initiative ng programa, kinumbinsi ni Sen. Alan Peter Cayetano si Nanay Feliza na dalhin si Alvin sa isang mental health expert at pati na rin ipa-check up ang sarili sa doktor dahil siya ay edad 72 na rin.
Ang “CIA with BA” ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador.
Si Sen. Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang Compañero y Compañera noong 1997 hanggang 2001.
Panoorin ang “CIA with BA,” kasama sina Alan, Pia at ang award-winning TV host na si Boy Abunda, tuwing Linggo, 11:30 ng gabi sa GMA 7.