Hirit ng anak ni Joey na si Jako sa mga bagong host ng ‘Eat Bulaga’: ‘Just do what your paid to do…sama n’yo na delicadesa, dignity & respect’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon
MATAPANG at maanghang ang mga naging pahayag ng anak ni Joey de Leon na si Jako de Leon kaugnay ng mga kontrobersyang kinasasangkutan ngayon ng “Eat Bulaga.”
Nagbigay ng pahayag si Jako tungkol sa bagong version ng longest-running noontime show sa bansa na balitang mapapanood muli nang live sa GMA 7 ilang araw matapos magpaalam sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa “Eat Bulaga” at sa TAPE Incorporated.
Siyempre, ipinagtatanggol ni Jako ang kanyang amang si Joey pati na rin ang dalawa pang original hosts ng noontime show na sina Tito Sen at Bossing Vic.
Inaasahang ngayong araw, June 5, magla-live na uli ang “Eat Bulaga” kasama ang mga bagong hosts na papalit sa TVJ at sa iba pang Dabarkads na nag-resign sa TAPE.
Ilan sa mga pinangalanang Kapuso stars na mapapanood daw sa noontime show ngayong tanghali ay sina Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, at ang kambal na sina Mavy at Cassy Legaspi.
Bukod dito, kinukuha rin daw ng TAPE ang mga Kapuso host na sina Kim Atienza at Pokwang para maging bahagi ng iniwang programa nina Tito, Vic & Joey.
Sa kanyang Twitter account, nag-post nga si Jako ng mensahe na may kaugnayan sa 28 years ng “Eat Bulaga” sa GMA 7 at sa pamamaalam ng TVJ sa TAPE last Wednesday.
“For the past 28 long years, our Dabarkads and the REAL Eat Bulaga have been bringing in loyal noontime audiences to the Kapuso network. (Not to mention OFW audiences to PinoyTV).
“Until a couple of days ago when all of a sudden they apparently didn’t belong anymore.
“June ’23, the Dabarkads, creatives, staff, majority of its crew down to loyal security guards are back on the move to find a new place to call home once again for their historical show,” sentimyento ng anak ni Joey de Leon.
Pagpapatuloy pa niya, “End of the day, principles, loyalty, honor, & virtue hopefully are qualities that still matter.”
Mensahe naman niya sa mga bagong hosts ng noontime show na kinuha ng TAPE, “For all the ‘new’ hosts. Please, I’d appreciate it if you spare us the crocodile tears and pseudo-sentiments towards the show and the fans.
“Just do what your paid to do. Thanks!” aniya pa.
Ipinost din ni Jako sa kanyang Instagram Story ang sunud-sunod niyang tweet na may caption na, “Sama nyo na Delicadesa, Dignity and Respect.”
Nauna rito sinabi ni GMA Network Senior Vice President Annette Gozon-Valdes na hindi sila makikialam sa kaso ng TVJ at ng TAPE.
Hindi nila kontrolado ang TVJ dahil hindi nakakontrata ang mga ito sa GMA. Ang TAPE raw ang may contract sa kanila bilang blocktimer.
Nabanggit din ng GMA executive na pwede silang magpahiram ng mga Sparkle talents sa TAPE para magsilbing hosts ng “Eat Bulaga.”
“Kung wala namang conflict at pumapayag yung talents, why not, di ba Kasi it’s really a separate business and kung mabibigyan naman ng trabaho yung talents namin, why not,” aniya pa.