KALMADONG hinarap ni Mutya ng Pilipinas-Luzon Shannon Robinson, ang kinatawan ng bansa sa ikalawang edisyon ng Miss Environment International pageant, ang mga kawani ng midya sa sendoff party para sa kanya na idinaos sa sangay ng CWC Interiors sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Mayo 31.
Kung titignan, tila ba isa na siyang beterana ng beauty pageants na may ilang taon nang karanasan, ngunti hindi. Ito nga ang una niyang international competition, na pangalawang pageant pa lang niya, at ito rin ang una niyang biyahe sa India.
“I think my best asset is my sense of calm,” sinabi ng matangkad na dilag, anak ni 1989 Mutya ng Pilipinas first runner-up Raquel Mababangloob. Nasungkit ng batang reyna ang korona niya sa edisyon ng pambansang patimpalak noong 2022, na itinanghal makaraan ang dalawang-taong pahinga dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Robinson na hindi na nga siya kinakabahan, at ipinagpasalamat pa ang tiwalang ibinigay sa kanya ng organisasyon. Ibinahagi rin niya na nagkaroon siya ng kalinawan nang tagpuin si Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino makaraang hindi magkita nang matagal. “I think she felt the same way. I can do this. I’m claiming this one,” sinabi ng dalaga.
Baka Bet Mo: Mutya ng Pilipinas Annie Uson waging Miss Chinese World 2023
“Hopefully the next time I see you all will be a victory party just like for Annie,” pagpapatuloy ni Robinson, tinukoy ang bagong hirang na Miss Chinese World na si Annie Uson na nagdiwang kasabay ng sendoff party niya.
Ngunit hindi naman siya basta-basta lang naging kalmado. Mula nang malamang babandera rin siya sa isang international pageant, masusi ang naging pagsasanay niya sa ilalim ng Aces and Queens pageant camp. “They picked me up when I was at the Mutya ng Pilipinas screening, so they have been my backbone,” ibinahagi niya.
Todo-ensayo siya ng “pasarela” walk, at sumailalim sa masusing question-and-answer training sa mga coach niya. Nang hirangin siyang Mutya ng Pilipinas-Luzon nitong Disyembre, o katumbas ng first runner-up, walang international pageant na nakalaan para sa kanya. Naitalaga siya bilang kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Environment International pageant nitong Marso lang.
Magtatapos ang ikalawang edisyon ng Miss Environment International pageant sa isang coronation show na itatanghal sa Mumbai, India, sa Hunyo 15. Nagtapos sa ikalawang puwesto ang kinatawan ng Pilipinas noong isang taon na si Michelle Arceo, na hinirang bilang Miss Ecosystem.
Related Chika:
Mutya ng Pilipinas pageant tagisan ng mga beterana, baguhan, at overseas beauties
Mutya ng Pilipinas Klyza Castro maipapasa na ang korona makalipas ang 3 taon