National titleholders, beauty contest veterans pasok sa Miss Grand Philippines pageant

National titleholders, beauty contest veterans pasok sa Miss Grand Philippines pageant

Bb. Pilipinas 2022 first runner-up Herlene Nicole Budol, Miss Elite 2022 first runner-up Shanon Tampon, Reigning Limgas na Pangasinan-Grand Rona Lalaine Lopez, Miss Environment Philippines 2021 at Miss Ecosystem 2022 Michelle Arceo/ARMIN P. ADINA

PAMILYAR na mga mukha ang pumunta sa “final” screening ng Miss Grand Philippines pageant sa ilalim ng ALV Pageant Circle, ilang national titleholders at mga beterana ng beauty contests ang napili bilang mga opisyal na kandidata.

Sa lahat ng mga aplikanteng nagpunta sa Teatrino sa The Promenade sa San Juan City noong Hunyo 2, pinakamarami nang napatunayan si Michelle Arceo, na kinoronahan bilang Miss Environment Philippines sa 2021 Miss World Philippines pageant, kung saan national director si Arnold L. Vegafria, ang “ALV” sa ALV Pageant Circle.

Kinatawan ni Arceo ang Pilipinas sa unang edisyon ng Miss Environment International competition sa India noong Abril 2022, at tinanggap ang titulong Miss Ecosystem. Runner-up din siya sa 2022 Century Tuna Superbods search.

Isa pang dilag na may karanasan sa pandaigdigang entablado na umusad din bilang opisyal na kandidata si Shanon Tampon, na pumangalawa sa 2022 Miss Elite pageant sa Egypt. Kinoronahan din siyang Miss Caloocan noong 2019, at nakarampa pa sa 2018 Mutya ng Pilipinas, 2019 Miss Philippines Earth, at 2021 Binibining Pilipinas pageants.

Sumabak din ang komedyante, host, at content creator na si Herlene Nicole Budol, first runner-up sa 2022 Bb. Pilipinas pageant, at mga dating kandidata ng Bb. Pilipinas na sina Maria Gail Tobes at Gabrielle Runnstrom.

Kabilang din sa mga napiling opisyal na kandidata ang reigning queens mula sa mga lalawigan, sina Limgas na Pangasinan-Grand Rona Lalaine Lopez at Pearl of Sarangani Ejay Vergara. Sinabi ng mga nasa organisasyon na magkakaroon ng isa pang round ng in-person screening sa Hunyo 7 upang makapili pa ng karagdagang mga kandidata.

Baka Bet Mo: Herlene Budol sasabak sa Miss Grand Philippines 2023: ‘Kapal ng mukha lang po ang number 1 puhunan ko sa buhay’

Ito ang pangalawang Miss Grand Philippines pageant na inorganisa upang piliin ang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International competition. Makaraang maging third runner-up sa unang edisyon ng pandaigdigang patimpalak noong 2013 si 2012 Bb. Pilipinas second runner-up Ali Forbes, itinanghal ng handler niya, ang yumaong si John de la Vega, ang 2014 Miss Grand Philippines contest kung saan kinoronahan si Kimberly Karlsson.

Noong 2015, nakuha ng Bb. Pilipinas pageant ang lisensya para sa Miss Grand International pageant, at ipinadala si 2014 Bb. Pilipinas Tourism Parul Shah. Nagtapos siya bilang third runner-up din, katulad ni Forbes.

Mga reyna rin ng Bb. Pilipinas sina Miss Grand International first runners-up Nicole Cordoves (2016) at Samantha Bernardo (2021), at second runner-up Elizabeth Clenci (2017). Wala pang Pilipinang nakasusungkit sa “gold crown” sa siyam na taong kasaysayan ng pandaigdigang patimpalak.

Isa sa limang fifth runners-up ng 2022 Miss Grand International ang huling reynang ipinadala ng Bb. Pilipinas, si Roberta Tamondong. Nagtapos siya sa Top 20 ng kumpetisyon, ngunit inangat kalaunan upang punan ang puwesto sa Top 10 na iniwanan ni Yuvna Rinishta mula Mauritius. Lahat ng mga natirang Top 10 na hindi nakausad sa Final Five hinirang bilang fifth runners-up.

Ibinahagi ni Vegafria ang pagkuha niya sa prangkisa ng Miss Grand International noong Nobyembre, at pinapunta pa sa bansa ang reigning queen na si Isabella Menin kasama ang buong Top 10.

Kokoronahan din sa 2023 Miss Grand Philippines pageant ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa Reina Hispanoamericana at Miss Tourism World contests. Sa Miss World Philippines competition pinili dati ang mga kinatawan ng bansa sa dalawang pandaigdigang patimpalak.

Related Chika:
Samantha Bernardo ‘simply grand’ sa Miss Grand International

Miss Grand PH pageant tumatanggap na ng mga aplikante para sa finals sa Marso

Read more...